tinigngplaridel.net
Dakilang Lumpo – Tinig ng Plaridel
Maliwanag na paninikil sa kalayaan ang pag-aresto kay Maria Ressa, isang mamamahayag ng Rappler at matinding kritiko ni Presidente Rodrigo Duterte, ukol sa kasong cyber libel na isinampa ng Departement of Justice (DOJ). Napalaya na si Ressa matapos nitong magpiyansa ngunit hindi pa rin maiaalis ang katotohanang naliligo sa kapangyarihan ang gobyerno. Kaya nilang gumawa, magpatupad, at magsilbing hukom sa mga batas na maaring gamitin laban sa mamamayan. Maaring pansamantala nang nakalaya si Ressa, ngunit patuloy pa ring nakakulong ang midya sa banta na mas malaki pang porma ng pang-aabuso ang maari nilang sapitin dulot ng nag-uumapaw na kapangyarihan ng estado.