wala na bukas

Minsan, gusto kong bumalik sa pagkabata. Hindi dahil sa gusto kong bumata kung hindi dahil gusto ko ulit maramdaman ang simple at walang kapantay na saya. Yung sayang makukuha mo sa mga bagay na nasa paligid mo lamang. Walang stress, walang problema. Wala masyadong iniintindi sa buhay, walang nararamdamang sakit ng ulo at aray. Gigising ng maaga para manuod ng anime at cartoon, matutulog sa tanghali at maglalaro sa hapon. Makikipaghabulan na para bang wala ng bukas, tatawa na para bang walang katapusan, walang alaalang nasasayang at natatapon. Namimiss ko ang pagiging bata, namimiss ko yung mga sandaling nararamdaman ko ang tunay na kahulugan ng saya. Nakakamiss yung mga sandaling musmos ka palang at sa mundo ay hindi pa handa.

Minsan, gusto kong bumalik sa pagkabata. Dahil namimiss ko yung mga sandaling kasama ko yng mga taong unang naging kaibigan ko. Sila yung mga kasama ko sa tuwina at kasama tuwing napapagalitan at sinusundo sa kalsada. Sila yung mga taong unang nagturo sakin ng mga bagay bagay. Tinuruan akong magtiwala sa mga kakampi sa laro, tinuruan ako kung paano makipagkaibigan sa ibang tao, tinuruan akong maging matapang kapag nagtataguan kami, tinuruan akong maging sport at hindi magalit kapag hindi sinasali. Sila yung nagparamdam sa akin kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagkakaibigan. Namimiss ko yung mga sandaling yun kasi ngayon, nagbago na ang lahat.

Minsan, gusto kong bumalik sa pagkabata. Wala kang nararamdamang sakit maliban sa palo sa puwit. Hindi ka iiyak dahil sa nasaktan ka, naghiwalay kayo o niloko ka. Hindi ka mag-aalala kung nasaan na siya o sino ang kasama. Hindi ka mamumroblema sa pera para lang maibili siya ng regalo o makasama sa isang kainang pribado. Walang salitang pag-ibig na umiikot mundo mo. Hindi sasakit ang ulo dahil sa hindi ka niya sinunod o ano. Masarap maging bata dahil hindi mo nararanasan ang mga hirap na pinagdadaanan mo ngayon. Masarap maging bata dahil hindi ka lumuluha nang dahil sa iba. Masarap maging bata dahil inaalagaan ka maigi, hindi hinahayaang madaplisan kahit kaunti. Mararamdaman mo ang tunay na aruga, pag-aalaga, pagsasakripisyo at pagmamahal na galing sa kanila na ngayon ay ipinaparamdam mo na sa iba.

Nay, maraming salamat. Dahil hindi mo ako iniwan kahit isang segundo. Inalagaan mo ako noong mga unang araw ko, mga panahon na hindi ko pa kayang alagaan ang sarili ko. Hinabaan mo ang pasensya mo sa akin noong mga sandaling basa ang aking lampin at kapag ang binibigay mo sa akin ay hindi ko kinakain. Binigay mo ang buong atensyon mo sa akin noong mga oras na umiiyak ako sa dis oras ng gabi, hindi mo ako hinayaan bagkus ay hinele mo ako at niyakap hanggang sa tumahan at makatulog ako sayong tabi. Inalalayan mo ako noong hindi ko pa kayang tumayo. Inaruga mo ako noong mga panahong nagkakasakit ako at hindi ka mapakali kapag nakikita mong may lagnat o sipon ako. 

Nay, maraming salamat. Dahil pinakita at pinaramdam mo sa akin kung gaano kaganda ang mundo. Nandyan ka sa tabi ko bago ako matulog, binabasahan mo ako ng mga kwentong nagpapangiti sa akin at nagbibigay sa akin ng magagandang panaginip. At sa umaga, sinasalubong mo ako ng mga yakap at halik na parang wala ng bukas na darating. At sa tuwina, matiyaga mo akong tinuruan kung anu-ano ang mga bagay na nasa paligid ko, tinuruan mo akong kulayan ang mundo kong nagsisimula pa lang makita ang kagandahan, tinuruan mo akong magbasa kahit pa balu-baluktot ang dila ko at hindi masabi ng tama, tinuruan mo akong magsulat kahit pa lumalagpas ako lagi sa linya, tinuruan mo akong magbilang kahit pa lagi kong nakakalimutan dahil gusto ko laging maglaro.

Nay, maraming salamat. Dahil pinalaki mo ako ng may disiplina. Hindi mo kinukunsinti ang mga kamalian ko. HIndi ko maintindihan dati kung bakit mo ako pinapalo at pinapagalitan, akala ko dahil sa hindi mo ako mahal kaya nagagawa mo yun pero mali pala ako. Para sa akin din pala yun. Salamat dahil nilatag mo sa akin kung ano ang tama sa mali, kung ano ang pwede sa hindi. Kahit pa masakit sayo na makitang nasasaktan at umiiyak ako ay ginagawa mo parin upang sa ikakabuti ko. Tinuruan mo akong gumalang at sambitin ang “po” at “opo” sa mas mga nakakatanda sa akin. Tinuruan mo akong huwag sumagot ng pabalang, magpaalam sa tuwina, magtupi at mag-ayos ng sariling gamit at panatilihin ang pagiging malinis sa paligid man o sa sarili.

Nay, maraming salamat. Dahil pinag-aral, pinakain, nilapit mo ako sa Panginoon at binigyan mo ako ng matiwasang buhay. Hindi mo hinayaang mapariwa ang buhay ko, ginabayan mo ako hanggang sa paglaki ko, pinakain ng mga masasarap na pagkain at hindi hinayaang kumalam ang sikmura ko. Pinag-aral mo ako sa magandang paaralan kahit pa nagkakanda-kuba na sa pagtatrabaho at mapagod ng husto ay okay lang, mapagtapos lang ako. Pinakilala mo sa akin ang Panginoon natin, nilapit at pinalaking may takot sa Kanya. Salamat dahil binigyan mo ako ng magandang higaan upang makatulog ako ng mahimbing sa gabi, makakain palagi, halos lahat ng kailangan ay nabibigay maging ng komportableng bahay at buhay.

Nay, maraming salamat. Sa lahat. Sa lahat ng bagay na ginawa mo para sa akin, sa buhay ko at sa pagkatao ko. Sobrang laki ng bahagdan ng buhay mo ang itinuon mo para lang sa akin, para lang mapalaki ako ng ganito, maayos, disiplinado at may takot sa Panginoon. Maraming salamat dahil hindi ka nagsasawang alagaan ako, intindihin kahit pa minsan, nasasagot kita, mahalin kahit pa minsan, naiinis ako sayo. Hindi ko alam gagawin ko kapag nawala sa sa buhay ko. Sobrang pasasalamat ko sa lahat-lahat ng ginawa mo para sa akin at habang nabubuhay ako, mamahalin kita ng buong puso at susuklian ang pagmamahal, pag-aaruga, paghihirap at sakit na naramdaman mo habang pinapalaki ako. Nay, maraming salamat sa lahat, mahal na mahal kita.

Dumarating sa punto na pakiramdam mo masaya ka na cause you have everything. I mean, hindi naman sa lahat pero sobra pa sa sapat. May pera ka pero tama lang para mabili ang mga pangangailangan mo at ibang gusto. May pamilya ka na laging handang sumaklolo, magmahal at tumanggap kung sino ka talaga. May mga kaibigan ka na handang magpasaya sa’yo sa oras na nalulungkot ka, kasama sa kasiyahan pati sa pagluha. May tahanan ka na alam mong mauuwian mo. Mga bagay na basically kailangan ng isang tao.

Pero syempre as we grow older, natututo tayo mahalin ang ibang tao. Mga tao na liban pa sa pamilya at mga kaibigan. Mga tao na basta mo lang nakilala o kahit dati mo pang kilala. Kasabay ng pagmamahal na yun ang pag-alala, pag-alaga, pag-intindi, pagtitiwala at pagbibigay ng lahat para lang mapasaya siya.

Kapag nagmahal naman kasi dumadating yung punto na halos siya yung gawin mong mundo. Wala ka ng ibang nakita kundi siya. Sa umaga, text niya ang hanap mo. Buong araw kayong nag-uusap na parang wala ng bukas. Masaya kayo sa isa’t-isa, yung tipong walang problema. Yung lagi kang nagpapasalamat sa Diyos dahil ibinigay Niya ang taong pinakaaasam-asam mo. Yung tao na pangarap mong makasama habang buhay. Yung aalagaan mo hanggang pagtanda. Yung mamahalin mo ng buo, pagkakatiwalaan at kasama mong tumupad sa mga binuo mong pangarap. Dahil natural sa buhay ang problema, natural na hindi yun nawawala. Ang problema naman kasi binuo para tumatag ka, hindi para tuluyang masira. Nasa sayo na lang kung paano mo haharapin. Nasa sa inyo kung lalaban kayo ng magkasama o ipapatalo niyo na lang.

 

Confessions of a Newly Passed CPA.

“A person can still win despite losing the battle, but would never be the moment he gives up.”

Noong unang araw ng pagtungtong ko sa UE bilang Accountancy student, kahit hati pa rin noon sa isipan ko kung BSA talaga, IT o ECE ang kukunin ko noon, sabi ko sa sarili ko, lalabas ako sa pamantasang ito na graduate ng BS Accountancy, at magiging CPA ako. Bilang isang taong kahit nasa first section ako noong high school ay tatamad-tamad at paeasy-easy lang ako, inakala ko talaga magiging madali ang pagtahak ko sa kursong iyon, lalo na at akala ko puro Math ang BSA tutal favorite subject ko iyon.

Nagkamali ako.

Nalusutan ko man ang unang dalawang taon at naging scholar pa kahit 50% man lang, dumating ang kinatakutan ko noong third year ako: ang matanggal sa BSA program, dahil lang sa isang grade na 2.75: Auditing Theory. Naalala ko pa na naglupasay pa ako sa bulletin board ng results ng department exam noon sa elevator ng TYK building noong nalaman kong hindi na matutupad ang pangarap kong maging CPA. Pwede ko na namang ituloy na sa Accounting Technology ang huling mga taon ko sa UE para magkatrabaho na ako agad eh. Pero hindi ko tinuloy: salamat sa second chance na dumating: dahil sa dami ng pangyayari noon, pinayagan akong ulitin ang subject na iyon, at naging daan upang makabalik sa pangarap ko. Dahil siguro natauhan ako noong panahon na iyon, nangako ako sa sarili ko:

“Magaaral na talaga ako ng maigi.”

Noong una, naging maganda ang resulta. Although hindi na ako naischolar ulit, hindi ako nakakuha ng grade na below 2.0 noong fourth year. Partida kahit nahati pa ang atensyon ko sa pagaaral dahil nabigyan ako ng tsansang maging presidente ng isang malaking student organization sa UE: ang ATLAS.

Ngunit, akala ko sapat na iyon.

Dumating ang fifth year at, sa kabila ng lahat ng pagsisikap at paghihirap, nakatikim ako ng limang bagsak sa Accounting Integration subjects ko. Oo, LIMA ang naging  5.0 sa transcript ko noong fifth year, at dahil doon, hindi ako nakapagmartsa noong Abril. Akala ko sapat na ang efforts ko noon, pero hindi pa pala. Lumuluha pa ako noong mismong araw ng graduation na sa halip na nasa PICC ako at naghahagis na ng toga cap ay nasa library ako’t nakasubsob pa sa mga libro dahil nagsusummer class ako. Nakaramdam ako ng inggit sa mga kabatchmate kong nakapagmartsa na. At nakarinig pa ako ng discouragement noon sa iba, na sabi, “Buti nga bagsak siya, hindi naman siya bagay sa BSA eh,” at “Hindi magiging CPA yang si Pol, integration pa lang binabagsak na niya eh, paano pa kaya yun board?” Ngunit sa kabila ng lahat, ito na lang ang nasabi ko:

“Hindi na ako babagsak. Hinding hindi na ako babagsak. Gagraduate rin ako at magiging CPA ako.”

Siguro purpose talaga ni Lord yun nangyaring iyon, na doon na ako mabigo, kaysa sa pinakaaabangang CPA board examinations. Pero para makabangon, mas matindi pa ang kailangan kong gawing efforts, kahit na may halong duda noon na baka mauwi na naman iyon sa wala. Hindi na ako nagaksaya pa ng oras. Nagaral ako na parang wala ng bukas. Naging mabilis na ang lahat hanggang sa huling araw ng summer. Hindi ko na alam kung paano ko siya nagawa pero naipasa ko lahat ng natitira kong subjects noong summer. Walang pagsidlan ang tuwa ko noong araw na iyon, sa sobrang tuwa, napahiyaw na ako sa klase namin noong nalaman kong gagraduate na ako. At kinabukasan, nagumpisa na ako sa formal review ko sa CPAR na hindi nakapagbakasyon man lamang.

Kung tutuusin, pwede ko ng sabihing pagod na ako dahil simula noong nagumpisa ang Integration hanggang noong gabi bago ng CPA board examinations hindi na ako nakapapahinga sa pagaaral. Pwede ko na naman sabihing rest na muna ako, sa May na lang ako magboboard exams. Pero hindi nangyari, dahil mas nangibabaw sakin ito: “Pol, ngayon ka na magtake. Konting tiis na lang, magiging CPA ka na sa October.”

Nadagdagan pa ang doubts ko noong mabababa ang mga grade ko noong first at final preboards. Hindi ko malaman kung bakit pero pakiramdam ko kulang pa rin ang nalalaman ko. Pero sa halip na magpasakop sa doubts ko, ginamit ko yun mga natitirang araw para balikan lahat ng mga hindi ko pa alam, dahil ayokong magkanda leche-leche sa board exams, at higit sa lahat, ayokong sumuko sa laban. Naisip ko na lang na wala akong karapatang maging CPA kapag sumuko ako. Sa kabila ng sobrang kaba, pagod, sakit ng ulo, pati pa nga sipon, sore throat at ubo noong actual board exams eh, tiniis ko yun lahat maabot lamang ang inaasam kong titulo:

CERTIFIED PUBLIC ACCOUNTANT.

At kaninang madaling araw, sa araw pa mismo ng kaarawan ko, natupad rin sa wakas ang pinagpaguran ko. Sa dalawang araw ng Disyembre, pupunta ako sa PICC pa rin, una: makakapagmartsa na rin ako sa wakas, makakatanggap ng diploma (kahit mock na lang dahil nasa akin na yung totoo kong diploma) at makakapaghagis na ng toga cap doon; at pangalawa, manunumpa na ako bilang isang propesyonal na accountant.  At sa darating na mga araw, magkakatrabaho na rin ako, bilang isang CPA.

Sa lahat ng taong naging bahagi ng lahat ng pinagdaanan ko bago ko makuha ang lisensyang lagpas sa limang taon ko nang inasam, hindi sapat ang salamat dahil sa lahat ng ginawa niyong tulong sa akin. Lalo na sa Panginoon, sa mga magulang ko, sa kapatid ko, sa mga kamag-anak at mga kaklase at kaibigan ko, sa UE at CPAR pati sa mga professors at reviewers ko, sa Tumblraccountants blog, sa ATLAS at JPIA, maraming maraming salamat po sa inyo. Kung hindi dahil sa inyo, wala pong lalabas na pangalan ko sa PRC website na mga nakapasa sa October 2014 CPA Board Examinations.

Ako po si POL MOISES GREGORY DE OCAMPO CLAMOR, isa nang CERTIFIED PUBLIC ACCOUNTANT, at ito ang aking kwento. TO GOD BE THE GLORY.

Ayoko ng panandalian, gusto ko ng pangmatagalan.

Minsan akala mo siya na. Minsan akala mo tatagal kayo. Minsan akala mo sasaya ka na sa kanya. Pero ang lahat ay isang akala lang pala. May mga pansandalian lang na kasiyahan. Yung tipong masaya ka ngayon, kausap siya, kasama siya, pero bukas wala na. Dahil lang sa simpleng hindi pagkakaintindihan, nauwi kayo sa hiwalayan. Masakit. Nakakalungkot. Hindi naman kasi ganoon kadaling maka move on.

Kaya kung pipili ka ng susunod na taong makakasama mo, siguraduhin mong siya na talaga. Huwag kang padalos-dalos sa mga desisyon. Hindi basehan ang unang impression sa kanya para maging ganoon siya hanggang sa huli. Kilalanin mo muna siya ng mabuti. Kilatisin. Para sa'yo rin naman yan. Para sa sarili mong kapakanan.

Piliin mo yung alam mong sasaya ka. Yung maiisip mong siya na pala talaga, Yung pangmatagalang kasiyahan. Hindi panandalian.

Paano nagce-celebrate ng monthsary ang nasa LDR?

Dahil magkalayo kayo, madalas cine-celebrate ang monthsary sa pamamagitan ng tawag, text, videochat o simple pero sobrang sweet na effort. Effort katulad ng paggawa ng video na kung saan binabati mo siya or slideshow ng pictures niyong dalawa na magkasama, madalas kasi ang ginagawa dyan eh gagawa ng movie na kung saan ang tugtog ay theme song niyong dalawa tapos mga romantic na quotes at pictures. Kung hindi naman ganong karunong sa pag-eedit eh simpleng greeting video lang. Yung iba naman, videochat ang kinakapitan. Maghapong magkausap at isinasantabi ang mga gawain at para bang wala ng bukas na darating. Yung iba naman text at tawag lang. Maraming paraan pa para i-celebrate ang monthsary kapag magkalayo kayo, hindi man kayo magkasama eh kailangang gumawa ng paraan upang mapunan ang mga kulang. Oo, alam kong mahirap at nakakalungkot kasi yun yung araw na kung saan aalalahanin niyo ang isang buwang nakalipas sa relasyon niyo pero hindi kayo magkasama ngunit dapat isipin na, dapat maging masaya parin kahit papaano dahil isang buwan nanaman ang lumipas na nalabanan niyo ang distansya. Isang buwan na napuno ng pagmamahal at tiwala. Kaya dapat walang espasyo ang lungkot bagkus ay dapat maging masaya.