victus mortuus

Paano kung isang araw, iisa ka nalang sa mga iilang nabubuhay dito sa mundo? Take note, wala akong sinabing iilang mga tao, ang sinabi ko lang, iisa sa mga iilang nabubuhay. May mga kasama ka naman… ngunit patay na sila. Nabubuhay pero patay? Zombies.

Ako si Gyno (Guy-no). Labing siyam na taong gulang. ‘Yan lang ang kailangan niyong malaman dahil kahit ano pang pakilala ko sa sarili ko, huhusgahan din naman ako ng mga tao. Bagong lipat lang ako sa eskwelahang ito at kasalukuyang P.E. class namin ngayon. Wala pa akong kakilala except kay Nikki na kababata ko. Obviously, close na kami. At actually, siya lang kaibigan ko. Hindi naman ako mahilig makipagkaibigan kasi. At least, sigurado ako sa iisang kaibigan ko na tunay nga siya. At kanina pang ubo ng ubo 'tong propesor namin at pinagpapawisan kahit hindi naman mainit sa himnasyo.

Since wala akong P.E. uniform, pinaupo lang ako sa isang tabi habang nanunood sa kanila naglalaro ng basketball. Wala naman din akong sports sa ngayon pero marunong ako mag Martial Arts. Actually, Yaw Yan pa nga e. Ang Yaw Yan ay galing sa SaYAW ng KamataYAN dahil Pinoy ang nagpauso nito. Marunong din pala ako mag-baseball dahil naglalaro ako ng baseball noong HS kaso tumigil ako. Matagal na.

“Wang wang wang wang wang wang–" 

Huh? Anong meron? Palapit ng palapit ang tunog ng wang wang na parang may nangyayari sa mismong gusali ng eskwelahan kung saan kami ngayon. Kahit 'yung pinagmamasdan kong shooter na ni isang beses, hindi pa nagmimintis, nagmintis dahil siguro baka kinabahan. Kahit na 'yung nerd na katabi kong naglalaro sa kanyang iPhone, napatigil na kanina, kahit anong kausap sa kanya, hindi ma-istorbo. Pati 'yung mga kaklase kong binu-bully 'yung abnormal na pagkataba at laki ng isa naming kaklase, tumigil na. Pati sa mga lalaking tumititig sa kaklase naming artista. Lahat. Lahat sila, napatigil sa ginagawa nila at nasisindak na… maliban nalang sa isa.

Napansin ko na kanina pa nakatayo sa isang gilid 'yung isa naming kaklase na parang istatwa na. Kanina pa siya nakasandal sa pader at siguro, pinagmamasdan niya din kaming lahat tulad ng ginagawa ko. Ewan ko, bagong estudyante lang din siya kagaya ko at baka wala din siyang mga kaibigan. Kanina pa niya pinaglalaruan din ang kanyang balisong na parang akala mo, nakapatay na ng benteng tao. 'Yung tipong nakulong na at tumakas lang kaya nakaalis sa kulungan.

*tunog ng megaphone* "Atensyon! Atensyon! Ika-kuwarentenas namin ang gusaling ito dahil mayroon daw pumasok na nahawaang propesor na ayaw pang umabsent sa trabaho. Mayroon siyang malubhang sakit na dapat hindi na siya pumasok na nangangalang… Mr. Santiago.”

Mr. Santiago? Tangina– *BAAAAM!* Nagpanic ang lahat ng estudyante sa loob ng himnasyo. Kami nalang ang estudyante sa loob ng gusaling iyon dahil extension lang naman siya ng mismong eskwelahan namin at alas siete na 'yun ng gabi. Biglang narinig namin ang beep sa elevator. “Sir!” ang sigaw ng dalawang estudyanteng sumunod at sumabay sa kanya pababa ng elevator. Hindi ba nila alam ang ibig sabihin ng kuwarentenas? Kahit anong gawin nila, hindi sila makakalabas tulad naming naiwan dito sa tuktok ng gusali ng eskwelahan.

Apat na pu’t lima kaming estudyante lahat lahat. Sa ngayon, apat na pu’t tatlo nalang dahil sumunod pababa 'yung dalawa. “AAAAAAAAAAHHHHH!” tili ng dalawang babae na sa loob ng elevator. Takbuhan ang matatapang at mga usisero doon kung ano nangyayari. Paakyat na muli ang elevator at inaabangan namin kung ano ang naghihintay sa amin sa likod ng pintuan na 'yun. *ding* Pagbukas mismo ng pintuan ng elevator, mag-isa nalang 'yung kaklase namin at nakatingin siya sa baba. “Shiela, ayos ka lang? Anong nangyari?” tanong ng kaklase namin. Pag-angat ng ulo ni Shiela, burado ang parte ng mukha niya na parang nginatngat ng isang hindi makataong… bagay. Nagsukahan ang iba noong pagkakita nila sa mukha ni Shiela. Duguan siya.

“Tumabi kayo diyan! Lahat kayo! Alis!” sigaw ng lalaking may balisong. “Hoy bagong estudyante! Wala kang kinalaman dito kaya manahimik ka diyan na parang may alam ka!” sabi ng isang bumu-bully sa mataba naming kaklase. Ngumiti nalang ang may balisong. “Ed, hindi naman ata tama 'yung pagsabihan ang bago nating kaklase?” ang sabi ng Class President na nakasalamin pa’t parang napakatalino niya. “…At Kuya, matanong ko lang dahil bawal 'yang pagdala ng nakakamatay na armas na 'yan dito sa paaralan o kahit saang paaralan at alam kong alam mo 'yun… Aanhin mo ba 'yan at kanina mo pa pinaglalaruan?” dagdag pa niya. Ngunit hindi niya ito pinansin at naglakad siya papunta kay Ed.

Nilaslas ng misteryosong lalaki ang leeg ni Ed na parang nilalaro lang at pinagpraktisan ang katawan. “Hah. Mamamatay din naman siya e.” ang sabi ng lalaki. Damang dama ko na natatakot na lahat ng kaklase ko sa nangyayari at tahimik na sila. Papunta naman 'yung lalaki kay Shiela at mukhang alam na namin ang mangyayari… “Wag!” sabay harang ng isang babae kay Shiela. “Wag mo gawin 'yan, wala siyang ginaga– AAAAAHHHH!” sabay kinagat ni Shiela ang babae sa balikat.

“TAKBO! PUT–” ang sigaw ng isa naming kaklase habang kinakagat na din siya. Nagkawatak watak na ang klase dahil sa sindak, bumaba na ang iba sa hagdan sa kanluran o ang west wing at 'yung iba naman, sa isang hagdan sa silangan. Hinila na ako ni Nikki at hindi ko na alam ang nangyari sa iba, hindi ko na nakita dahil madaming estudyante ang humarang sa paningin ko. Dumiretso kami sa 4th floor galing 7th floor. May nakita kaming isang babae doon na nagsusumbong sa isang janitor. Narinig namin ang usapan nila. “Manong, tulong!” habang naiyak ang babae. Hindi namin masyadong makita dahil silweta lang ito dahil sa liwanag na nanggagaling sa helicopter sa labas ng bintana. “AAAAAHHHHH!” tili ng babae habang kinakagat siya ng janitor na mukhang nahawaan na din ng sakit galing kay Mr. Santiago at iba pang estudyante. Pumasok kami sa loob ng isang pinakamalapit na silid-aralan at ni-lock namin ito.

“So, ganito ba talaga nangyayari tuwing unang araw ng pasukan dito sa eskwelahang ito?” ang sinabi ko para lang may mapagusapan. Sa totoo lang, matagal na kaming hindi nakakapag usap ni Nikki. “Haha…” ang nasabi niya sabay ngiti ng pilit. “…Hindi naman. Last year kasi, mga bampira e.” sabay dagdag niya. Lumaki ang aking mga mata sa sinabi niya at sabay sabing, “Di nga?” kahit alam kong imposible. Tumawa lang siya na parang naka-iskor siya sa akin. Tumawa nalang din ako. Kailangan e dahil baka mamaya, hindi na ako makatawa ulit. At least, kahit papaano, naging masaya ako bago mamatay… ng biglang may pumipilit bumukas ng pintuan namin.

“SINO YAN?!” at hindi sumasagot ang pumipilit magbukas ng pintuan ng silid-aralan na tinataguan namin sa pagkakaakalang isa sila sa kanila. “SINO YAN?!” sigaw naman ni Nikki. “Nikki?” ang sagot ng tao sa kabila ng pintuan. Agad agad naming binuksan ang pinto. “Dex? Aphrodite?” ang sinabi ni Nikki noong binuksan namin ang pinto. Si Dex ang lalaki kanina na hindi maistorbo dahil naglalaro siya ng iPhone niya, nerd. Si Aphrodite ang pinagtitignan ng mga lalaki kanina dahil isa nga siyang artista at model. Napakaganda niya. Pero sa panahon ngayon, hindi pwedeng mag-isip ng kung ano ano lalo na’t mamatay na din ako.

“Zombies. Napakaraming zombie ang nasa labas at umiikot sa gusaling ito. Nagsimula kay Mr. Santiago, nakahawa siya ng janitor kanina at nahawaan din niya sa elevator sina Shiela at Maggie. Noong una, akala ko, hindi gaanong kalalang sakit lang. Na-examine ko si Shiela kanina at sigurado akong kagat 'yun ng hindi ordinaryong tao.” ang sabi ni Dex na parang alam niya ang lahat ng nangyayari… o alam nga niya talaga ang nangyayari kahit na mukhang abalang abal siya sa iPhone niya. Si Aphrodite naman, tahimik lang at halatang hindi alam ang nangyayari. 

“So… Anong plano?” ang tanong ni Nikki na siguradong sigurado siya na may plano si Dex. “Ganito… Tatakas tayo dito…”

*tunog ng megaphone* “Walang makaka-alis sa gusaling 'yan. Inuulit ko, walang makakaalis sa gusaling 'yan. At ang susubok na tatakas diyan ay babarilin sa ulo. Pinapalibutan na ng sniper ang gusaling ito. Sa kasalukuyan, umupo muna kayo o mag-relax.. Chill! Mag-chillax! Hahaha! Habang wala pa ang quarantine team.”

Wow. Napakasakto naman nung impormasyon na 'yun hatid ng mga pulis sa labas ng eskwelahan sa sinasabi ni Dex. “Dex?” ang tanong ni Nikki. “Well… Sa ngayon, hindi naman pwedeng mag "chillax” muna tayo o kung ano man dahil hindi nila alam ang nangyayari sa loob at hindi din tayo maririnig sa labas. Kailangan nating depensahan ang sarili natin at maghanap ng pwedeng taguan.“ ang sabi ni Dex na parang pinlano na niya ang lahat kaagad sa simula palang at dagdag pa niyang, "Kailangan na nating umalis dito at maghanap ng ibang nabubuhay pa… kung meron man. Dahil sisirain na din ng mga zombie ang pintuang ito in 3… 2… 1…” *BAAAAM!*

Sabay takbo sa 6th floor at iniilagan sila. Mga kaklase naming nahawaan na. Mga nagta-trabaho doon. Mga sekyu. Mga ibang estudyanteng nagtatrabaho doon. Mga nagfi-fieldtrip daw at umiikot sa school namin nung mga panahon na 'yun. Mga schoolmate namin na kasalukuyang dito din ang klase sa bagong gusaling ito at buti nalang, dalawang klase lang ang nandito o tatlo, kasama 'yung amin. Lahat sila, nahawaan na, kami kami nalang ng mga kaklase ko ang hindi… pa… sana.

Sa kasamaang palad, nahuli si Aphrodite sa hallway ng 5th floor ng hindi namin napapansin. Napag gitnaan siya ng mga zombies at hindi kami makapasok sa gitna dahil naharangan na kami. Apat na nga lang kami, mababawasan pa ng isa ng biglang may narinig kaming ingay sa isa sa mga pintuan ng silid-aralan. *BAAAAAM!* Lumabas ang lalaking abnormal sa taba at tangkad na parang akala mo, higante na. Well, hindi na imposible 'yun. May mga zombies na nga e. Kulang nalang may maglakad sa pader.

Binabangga lang ng malaking tao ang mga zombies papalayo na parang bulldozer. Sinisiko niya sila at tinutulak papalayo sa babae. Hindi na kinaya’t dinumog na siya ng madaming zombies, may bumack-up na lalaki sa kanya na napakaliksi’t minu-Muay Thai na ang mga zombies. Naglakad siya sa pader… tulad ng sinabi ko na hindi na imposible dahil nagpa-parkour din siya… sa tingin ko. Siya ang basketbolistang asintadong asintado. Napaka-athletic niya na parang lahat ng sports, alam niya. Magkabaliktad na magkabaliktad kami. Baseball lang ang alam ko.

“Zaaaaaack!” ang sigaw ng malaking tao na parang pangalan ng lalaki ang sinisigaw niya. Zack ang pangalan ng athletic na 'to. “Bob…” ang mahinahong sinabi ni Zack. Sinipa ni Zack papalayo ang mga zombie na nakasabit sa likod ni Bob. Kinuha ni Bob si Aphrodite at tumakbo na silang tatlo papunta sa amin. “Dali, akyat!” ang sigaw ni Zack.

Pag dating sa 6th floor, walang tao doon. Nagtago kami sa isang silid-aralan doon at nag-usap usap na. Sinabi ni Dex ang plano kay Zack at Bob. “Nga pala, Zack… at si Bob nga pala 'to” ang sinabi sa akin ni Zack na mukhang nagpapakilala at inaalok ang kanyang kamay. “Gyno nga pala. Hi Bob.” ang sinabi ko sa kanila at ngumiti lang si Bob. “Hindi pwedeng nandito lang tayo ng walang pangdepensa sa sarili lalo na’t hindi natin alam kung kailan dadating ang back-up kaya hindi natin alam kung hanggang kailan tayo dito. Kailangan natin ng armas.” ang sabi ni Dex. Hindi ko alam kung saan nakukuha ni Dex ang lakas na loob at alam niyang makakalabas siya ng buhay. Parang napagdaanan niya na 'yung ganitong sitwasyon. Hindi ko alam. Hindi ko pa sila masyadong kilala.

“Zack… Marunong ka bang humawak ng baril?” bigla kong naitanong kay Zack dahil nga sa pinagmamasdan ko siya kanina habang naglalaro ng basketball. “Bakit? Pinagmamasdan mo ba ako kanina?” ang sagot niya. Napansin niya 'yun habang naglalaro siya ng basketball? Pero may napansin ako sa kanya na siguro hindi niya alam na napansin ko 'yun… “Pero, hindi. Hindi ako marunong gumamit ng baril pero siguro, pwede akong matuto, nandito naman si Dex… na pwede mong asahan sa lahat ng bagay.” na biglang dinugtong niya sa kanyang sinabi at proud pa siya sa sinabi niya. “Except sa iisang bagay… Alam niyo na.” ang sabi ni Dex.

“Ganito ang plano… Maiiwan dito si Nikki, A, at si Bob. Sasama ka Gyno sa amin ni Zack para pumuntang ground floor para kumuha ng baril sa guard at iba pang armas na pwedeng makuha doon para may stock tayo… at A ang palayaw ni Aphrodite, Gyno.” sabi ni Dex. “Pero Zack…” dagdag ni Dex na mukhang meron pa pala siyang hindi nalalaman. “Ano ba meron sa inyo ni Bob at lagi kayong magkasama na parang kayo… Kayo ba? Ano meron?” ang pabirong sinabi ni Dex pero may point siya. Lagi ngang magkasama ang dalawa kahit maikling oras palang kaming nagsasama. Teammate sila sa basketball, magandang duo sila. Magaling sa depensa si Bob, sa opensa naman si Zack. Kahit noong nagpakita sila sa amin kanina noong tinulungan nila si A, magkasama din sila.

“Ganito kasi 'yun… Magkababata kami ni Bob at alam ko ang kwento ng buhay niya. Kaya hindi siya nagsasalita at "Zack” lang ang kaya niyang sabihin dahil bata palang, naulila na siya, pinatay sa harapan niya ang kanyang magulang at na-trauma na. Tuwing may ginagawa sa kanyang masama, lagi ko siyang tinutulungan. Laging nahuhusgahan siya dahil sa itsura niya na nabu-bully at kung ano pa man pero mas delikado pa siya kaysa sa mga kilala niyong killer. Nabaliw siya at ilang beses na nakulong dahil sa murder. Ako lang ang nakakapagtahan sa kanya… at ang kinikilala niyang kaibigan pero ngayon, ok lang dahil sinabi ko na din sa kanya na kaibigan tayong anim at tayo tayo nalang ang meron sa atin.“ ang kwento ni Zack.

May biglang humarang sa amin na lalaking may hawak na tubo, magkabilaang kamay. "Tao pa ba kayo?” ang bati na sumalubong sa amin. “Oo. Kami 'to, Ken.” ang sabi ni Dex. “E 'yun, kasama niyo ba 'yun?” sabay turo si Ken sa likod namin at may nakikita kaming silweta na tumatakbo papunta sa amin. “…kung hindi, tumabi kayo diyan.” ang pahabol niya. Sinugod at sinabayan niya ang pasugod sa amin. Noong tumapat sila sa isang bumbilyang patay sindi, namukhaan namin ang pasugod sa amin. 'Yung lalaking may balisong kanina. Kayang pantayan ni Ken ang lakas at mga galaw ng lalaking may balisong na parang varsity siya ng arnis. Hindi makatao ang bilis ng dalawa… o baka hindi lang ako sanay makakita ng mga ganyang bagay ng biglang huminti ang lalaking may balisong.

“Alam mo ba kung ano masdelikado sa balisong?” ang pang-asar na tanong ng lalaking may balisong. “Ano?” ang sagot ni Ken habang nakangiti siya. “Dalawang balisong.” ang sagot ng lalaki sabay hugot ng kanyang isa pang balisong at sinaksak sa may bandang sternocleidomastoid o muscle sa may leeg. Alam na alam ng lalaki kung saan dapat asintahan ang isang kalaban na parang sanay na pumatay ng tao. Pagkatapos niya patayin si Ken, humarap siya sa amin at ngumiti na parang baliw. “Kayo? Ano gusto niyo? Pahirapan ang buhay o madaliin?” ang pang-asar niyang tanong na kahit anong isagot mo, parehas ka padin talo.

[Itutuloy…]