uhugin

"SINGING BEE NA ITUU!"

Habang umiihi ako sa CR sa loob ng mall, napansin kong may makulit na bata sa loob pero hindi naman umiihi. Wala lang, pakanta kanta lang siya ng Maps ng Maroon 5 habang hinihintay ata yung tatay niya na nasa loob ng cubicle, pinipilit ireconnect ang sarili sa kabilang dimensyon. Sabi ko sa sarili ko, “Adik ng batang yun ah. Saulo yung kanta." Eh paborito ko pa naman yung kantang yun kaya hindi ako nagpatalo siyempre. Kumanta din ako. Proffessional bathroom singer kaya ‘to.

"♫ Nawanderweweryahah. when I was on my back under my knees. ♪ ♫”

Sa kalagitnaan ng mini-concert ko, nagsalita yung bata, “Mali naman yung lyrics mo!, 

"Eto version ko. Bakett?”

Isipin mo yun, kinorek ako ng isang 5 years old na batang uhugin at wala man lang akong nagawa para depensahan ang sarili ko dahil hindi din ako sure sa lyrics ko. Kasalanan ito ng vitamins na iniinom ko tuwing umaga. Hindi ata kasama dun yung tamang pagpick-up ng lyrics ng kanta. Kasalanan din ito ng Maroon 5 dahil kung ginawa sana nilang simple yung lyrics eh di sana hindi ako mapapahiya sa buong sangkabanyohan ng ganun-ganun na lang.

Maya-maya, bigla na lang nawala yung mayabang na bata. Siguro lumabas na. Medyo dumadami na din ang tao sa CR kaya lumabas na din ako. Pagbukas ng pinto nung isang lalaking nasa unahan ko, biglang bumulaga yung impaktong batang kumakanta kanina sa loob at ginulat si manong. Ang lakas ng pagkakasigaw niya tapos may paghawak pa ng kamay dun sa braso. Feeling niya ata si Incredible Hulk siya. Gulat na gulat si manong. Tapos biglang bumitaw yung bata,

“Hala. Akala ko si Papa.”

And I was like,

“Behlat! Napahiya.”

Yabang-yabang kasing kumanta ng 'Maps’. 

Pagkauwi ko ng bahay, ginoogle search ko agad yung lyrics ng 'Maps’ at sinaulo ko. Para sa susunod na muling magtagpo ang aming mga landas, showdown na ituu!