tagalogstory

Ang Gabi ng Walang Hanggang Pagtangis

Hindi mawaglit ang tingin ni Kylie sa mga bituin sa kalangitan. Para sa kanya, tila mga butil ng puting buhangin na isinaboy sa madilim na kalangitan ang mga ito. Kitang-kita sa kanyang mukha ang kasayahang naiidudulot ng pagsulyap sa mga bituin. Ngunit gumuhit man ng ngiti ang kanyang mga labi, kitang-kita sa kanyang mapupungay na mga mata ang kalungkutan na pilit niyang itinatago. Hanggang kailan nga ba ako mumultuhin ng nakaraang pilit kong tinatakbuhan, naisip niya. Napabuntong hininga ang dalaga at tumayo sa kanyang pagkakaupo sa banig. Pinagpagpag niya ang kanyang kulay rosas na palda at tiniklop ang banig na kanyang inupuan. Naglakad siyang muli patungo sa kanilang bahay. Pilit niyang pinipigil na umagos ang mga luhang namumuo sa kanyang mga mata. Tumakbo ang dalaga patungo sa kanyang bahay upang mawala sa kanyang isipan ang isang ala-alang pilit niyang ibinabaon sa limot. Pagkaraan ng sampung minuto, narating ni Kylie ang pintuan ng kanilang bahay. Sinalubong siya ng kanyang ina na si Anastasiya. Binati niya ang ina nang makita niya ito.

“Anak, nasiyahan ka ba sa pagmamasid sa mga bituin? Napanood ko sa telebisyon na magkakaroon ng meteor shower mamayang alas-onse ng gabi. Gusto mo bang samahan kita para mapanuod mo iyon?” wika ng kanyang ni Aling Anastasiya. “Hindi na po Mama, gusto ko na pong magpahinga. Marami pa po akong dapat gawin sa Unibersidad bukas. Nalalapit na po kasi ang pagbibigay ko ng huling eksamen sa aking mga estudyante.” wika ni Kylie. “O sige anak, magpahinga ka nang mabuti. Ako ay matutulog na dahil masakit na ang aking mga kasu-kasuan.” pagpapaalam ni Aling Anastasiya. “Gusto niyo po bang hilutin ko kayo?” pagtatanong ni Kylie. “Hindi na mahal, nakainom na naman ako ng gamot kaya itutulog ko na lamang ito. O siya anak, papanhik na ako.” pagtatapos ng ina. “Matulog po kayo ng mahimbing.” wika ni Kylie. Itinago ni Kylie ang hawak niyang banig sa ilalim ng lamesita. Bago umakyat sa kanyang kwarto, naisipan niyang uminom ng gatas. Binuksan niya ang refrigerator at kinuha ang gatas na nakalagay sa isang bote. Kumuha siya ng baso sa kumedor at inilagay ito sa mesa upang salinan ng gatas. Hinatak ng dalaga ang upuan at siya ay naupo rito. Uminom siya ng gatas at ipinikit niya ang kanyang mga mata matapos na ilapag ang baso. Umagos ang luha na pilit pinipigil na tumulo. Hindi mapigil ng dalaga na humikbi sa pagtangis. Muli niyang sinariwa ang mga ala-ala na kapiling niya pinakamamahal niyang si Herald.

Nasa Ikalawang Taon sa hayskul si Kylie nang makilala niya si Herald. Isang transferee ang binata sa kanilang paaralan. Buhat sa Cebu ang pamilya ni Herald at nagpasiyang lumipat ng San Ildefonso ang kanyang pamilya nang makabili ng resort ang kanyang ama sa nasabing lugar. Napakakisig nito at mayroong angking na galing sa musika. Magaling tumugtog ng biyolin, gitara, plawta, at piyano ang binata. Napakalamig na animo’y nanghaharana ang tinig nito tuwing ito ay umaawit. Ngunit kapansin-pansin ang hindi madalas na pagngiti ng binata. Napakaseryoso ng mukha nito at tila malalim ang iniisip ng mga mata nito. Pinaupo ng kanilang guro si Herald sa upuang katabi ni Kylie. Napukaw ng binata ang atensyon ni Kylie. Napansin ng dalaga na may pagkamisteryoso ang bagong niyang kamag-aral. Palibhasa’y sadyang palakaibigan, magiliw na nagpakilala ang dilag sa kamag-aral. Bagamat nagulat, binati ni Herald si Kylie. Matapos ang klase, mabilis na umalis ng klase ang binata. Takang-takang pinagmasdan ni Kylie ang pagtakbo ni Herald. “Bakit kaya nagmamadaling umalis si Herald?” nawika nito sa kanyang sarili. Nagkibit balikat na lamang ang dalaga at inayos niya ang kanyang mga aklat bago naglakad pauwi. Matapos mamahinga at makapagpalit ng damit nagpunta si Kylie sa kanyang paboritong lugar.

Ang puno ng mangga sa itaas ng burol ang paboritong lugar ng dalaga. Ginawan siya ng duyan ng kanyang ama sa nasabing puno kaya naman napakaespesyal nito sa kanya. Pitong taon lamang siya ng pumanaw ang kanyang ama sa sakit na Lymphoma. Noong nabubuhay pa ang kanyang ama, mahilig silang magkarerahan paakyat ng burol at ang puno ng mangga ang nagsisilbing katapusan ng kanilang karera. Madalas siyang binubuhat ng kanyang ama at pinapasan sa kanyang likod matapos silang maghabulan. Ang duyan sa puno ng mangga ang nagsisilbing ala-ala ng kanyang ama kaya naman madalas siyang magtungo rito upang gumawa ng mga tula at kwento. Simula ng mawala ang kanyang ama, nahilig si Kylie sa pagsusulat. Laking gulat ni Kylie ng matanaw niyang may nakatayo sa burol at ito ay tumutugtog ng biyolin. Tumakbo siya ng mabilis upang makita kung sino ang lalaking tumutugtog ng biyolin sa burol. Gulat na gulat si Kylie nang makita niyang si Herald ang lalaking tumutugtog ng biyolin. “Napakaganda naman ng kanyang tinutugtog” wika nito sa kanyang sarili. “Ngunit ramdam na ramdam ang kalungkutan na pumapaloob sa bawat nota na nililikha ng kanyang biyolin,” ito ang mga bagay na naisip ng dalaga. Napansin niyang nakapikit ang mga mata ni Herald habang ito ay tumutugtog. Naisip ng dalaga na ipikit na rin ang kanyang mga mata.

Nang matapos si Herald sa kanyang tinutugtog, unti-unting iminulat ni Kylie ang kanyang mga mata. Nabigla ang dalaga ng makita niyang nakatingin sa kanya si Herald. “Kanina ka pa dyan?” tanong ni Herald kay Kylie. “Oo, kanina pa ako dito. Nagulat ako nang may natanaw akong tumutugtog ng biyolin dito habang ako ay paakyat. Madalas kasi akong magpunta sa lugar na ito at kadalasan, walang tao nagpupunta rito.” sagot ni Kylie. “Ipinagbabawal ba ang pagpunta rito? Hindi ko kasi alam kung may nagmamay-ari ng lugar na ito. Ito kasi ang pinakatahimik na lugar na nakita ko kaya naman dito na lamang ako tumugtog.” wika ni Herald. “Huwag kang mag-alala, walang nagmamay-ari ng lugar na ito. Madalas ako rito dahil andito ang alala ng aking ama.” sagot ni Kylie. “Kung gayon, aalis na lamang ako. Ipagpaumanhin mo ang aking pagtungo sa lugar na ito.” wika ni Herald.

“Hindi namin pagmamay-ari ang lugar na ito Herald. Kung ayos lamang sa iyo, pwede naman tayong maghati sa lugar na ito.” sambit ni Kylie. “Hindi ba ako makaiistorbo sa ito?”pagtatanung ni Herald. “Hindi naman. Mas makakagawa nga ako ng mga tula kung ganyang kagandang musika ang aking maririnig.” sagot ni Kylie. “Maari mo nang gawin ang iyong gagawin. Hindi kita gagambalain.” pagpapaliwanag ni Herald. Umupo si Kylie sa duyan at sinimulan ang pagsulat samantalang ipinagpatuloy ni Herald ang pagtugtog ng biyolin. Bagamat sa paglipas ng mga araw, madalas na magkasama sila sa burol, hindi pinapansin ni Herald si Kylie sa paaralan at kapansin-pansin ang pag-iwas nito sa mga kamag-aral. Lumipas ang panahon at naging magkaibigan ang dalawa. Natuklasan ni Kylie na namatay ang nakatatandang kapatid na lalaki ng Herald dahil sa isang aksidente at labis niya itong dinibdib. Niligtas ng kanyang Kuya Martin si Herald sa pagkakasagasa kung kaya’t siya ay namatay. Nabali ang tadyang ng kuya niya at ito ay tumusok sa kanyang puso. Sinisi ni Herald ang kanyang sarili at iniisip na siya dapat ang nakalibing sa puntod ng kanyang kuya. Ito ang dahilan kung bakit hindi madalas ngumiti si Herald at napakaseryoso nito. Lingid sa kaalaman ni Kylie, siya ang dahilan kung bakit nagbago ang disposisyon ng binata sa buhay. Ang nakahahawang tawa ng dalaga, ang positibong tingin nito sa buhay, ang matinding pananalig nito sa Diyos, at pusong punong-puno ng pag-asa ang mga dahilan ng unti-unting pagbabago ng ugali ni Herald.

Ginising ni Kylie ang natutulog na puso ni Herald at inakay siya nito upang muling makatayo sa pagkakalugmok niya sa kalungkutan. Napansin ni Kylie na ngumingiti na ito at nakikihalubilo na sa iba. Natuwa ang dalaga at itinago na lamang niya ito sa kanyang sarili. Kahit na madalas na magkasama sa burol, hindi naitatanong ni Herald kung ano nga ba ang ala-ala ng kanyang ama sa burol. Noong sila ay nasa ikaapat ng taon sa hayskul, naglakas loob si Herald na tanungin si Kylie tungkol dito. “Nakikita mo ba ang duyan na ito? Ang Papa ko ang gumawa nito para sa akin.”sagot nito kay Herald. “Isang linggo bago siya pumanaw, ginawa niya ang duyan na ito. Sabi niya sa akin, tuwing uupo ako sa duyan na ito, alalahanin ko yung mga panahon na magkasama kami.

“Ipapaalala ng duyan na ito kung gaano niya ako kamahal. Si Papa mismo ang humabi nito at nagkabit sa punong ito. Sabi niya, bawat hibla na ginamit niya sa paghahabi ng duyan, pinuno niya ng pagmamahal. Kaya kapag dumating ang pagkakataon na gusto ko ng sumuko, iduyan ko raw ito ng mataas na mataas at mararamdaman ko ang pagyakap niya sa akin.”wika ni Kylie. Tumulo ang mga luha mula sa kanyang mata matapos niya itong sabihin kay Herald. “Ipagpatawad mo ang kapahangasan ng aking katanungan. Ito ang panyo, pawiin mo ang iyong mga luha.” Pagpapaumanhin ng binata. “Salamat Herald.”wika ni Kylie.

Matapos alalahanin ni Kylie ang mga sandali ng kanyang kabataan sa piling ni Herald, pinasiya niyang umakyat sa kanyang kuwarto upang matulog. Nagpalit siya ng damit pantulog at humiga na sa kanyang kama. Nang gabing iyon, dinalaw si Kylie ng bangungungot na kanyang tinatakasan. Napanaginipan ni Kylie ang gabi ng pamamaalam ng kanyang pinakamamahal na si Herald. Alas dose ng gabi noong ika-walo ng Marso, taong 2005 nang yayain ni Herald si Kylie na pumunta sa burol na naging saksi sa pagkabuo ng kanilang pagmamahalan. Mahina na si Herald. Sa loob ng anim na buwan, iginupo siya ng Leukemia, kanser sa dugo. “Mahal, doon na lang tayo sa ilalim ng puno ng mangga maglatag ng banig.” wika ni Herald. Inilatag ni Kylie ang banig at umupo. Humiga sa kanyang mga binti si Herald. Sabay nilang pinagmasdan ang mga bituin sa langit. “Ang ganda-ganda naman ng mga bituin, Mahal. Tignan mo ‘yun o! Iyon ang konstelaysyon ng Aries.” wika ni Kylie. “Tama ka, mahal. Hayun na! Tignan mo mahal kong Kylie! Hayun na ang Meteor shower! sambit ni Herald. Tinulungang tumayo ni Kylie si Herald. Sinilayan nila ang Meteor Shower. “Kylie, may sasabihin ako sa iyo.” wika ni Herald. “Ano iyon, mahal ko?” tanung ni Kylie. Hinawakan ni Herald ang mga kamay ni Kylie at tinitigan ito sa kanyang mga mata.

“Sa loob ng pitong taon na nakilala kita, marami kang binago sa buhay ko. Ginising mo ang puso kong natutulog buhat sa pagkakasawi. Ikaw ang nagsilbing inspirasyon ko upang lumaban at ipagpatuloy ang buhay na minsan ko nang sinukuan. Ikaw ang anghel na ibinigay sa akin ng Diyos upang muling makita kung gaano kasaya ang mabuhay at kung gaano ako kapalad dahil binigyan ako ng Diyos ng pagkakataon na mabuhay sa pangalawang pagkakataon. Ikaw ang nagsilbi kong saklay nang ako ay mapilay ng sakit kong Leukemia. Pinalalakas mo ang loob ko sa tuwing sumasailalim ako sa chemotherapy. Ikaw ang susi na nagbukas sa aking puso at isipan upang makita ko kung gaano ako kapalad. Kylie, mahal na mahal kita. Ikaw ang pinakamagandang regalong binigay sa akin ng Diyos. Hindi ko alam kung hanggang kailan pa ako magtatagal sa mundong ito. Kung dumating na ang panahon na lumisan na ako, tumingin ka lamang sa kalangitan at pagmasdan mo ang mga bituin sa alapaap. Ako ang magsisilbing tanglaw mo. Hanapin mo ang pinakamaliwanag ng bituin dahil ito ang magiging simbolo ng pag-ibig ko sa iyo.” Pagkatapos sabihin ni Herald ang mga katagang ito, ibinigay niya kay Kylie ang isang kuwintas na hugis tala.

Niyakap ni Kylie si Herald at naglapat nga ang kanilang mga labi. Inantay nila ang pagsikat ng araw at dito na nga nalagutan ng hininga si Herald habang nakasindig ang kanyang ulo sa balikat ni Kylie. Nagising si Kylie mula sa kanyang pagkakatulog. Labis ang kanyang pagtanggis dahil sa kanyang panaginip. Kinuha niya ang kanyang cellphone upang tignan ang oras. Laking gulat niya ng makita niya ang oras at petsa.“Pitong taon na ang lumipas, Herald. Mahal na mahal pa rin kita. Noong nawala ka, kasama mong namatay ang aking puso. Hindi ko na alam ang pakahulugan ng salitang buhay noong mawala ka sa piling ko.” sambit ni Kylie.

– Genelizette Palomar (ABE 2-1)