stranghero

Ako ‘yong humiling dati kay Lord na kung hindi ka man permanente sa buhay ko, na maglalaho ka rin lang naman sa huli ay alisin ka nalang Niya kamo habang mas maaga pa kasi ang hirap kung ma-attached ako sayo ng sobra pero sa huli ay aalis ka rin lang naman at iiwan ako, magkakasakitan lang din tayong dalawa pag nagkataon. Duwag ako? Siguro nga. Pero ginawa nga Niya. Hindi ako nagreklamo kasi ako naman ‘yong humiling kahit minsan nalulungkot ako sa nangyari sa ating dalawa. Pero alam mo noong nakita kita kanina, akala ko masasaktan ako, akala ko makakaramdam ako ng bigat sa puso, akala ko mararamdaman ko na may kulang o may nawala sa akin pero alam mo, hindi ko naramdaman ‘yon. Ang dami kong narealize noong nakita kita. Naniniwala naman ako doon sa kasabihan na may rason talaga lahat ng mga nangyayari sa buhay mo pero kanina lang talaga ako tinamaan.

Siguro kung hindi ko pa tanggap ‘yong nangyari sa atin, masasaktan siguro ako sa ginawa mo kanina. Deneadma mo lang kasi ako. Nakita mo ako pero para lang akong hangin sayo. Tiningnan mo nga ako pero para lang akong stranghero na palagi mong nakikita kasi hindi ka na nagulat noong nakita mo ako. Umakto ka kanina na parang wala tayong pinagsamahan. Pero alam mo, okay lang. Hindi ako bitter. Hindi ako nasaktan. Hindi ako nanghinayang sa mga plano sana natin dati. Hindi ako nalungkot na hindi na 'yon matutupad lahat noong makita kita. Masaya nga ako eh kasi siguro kung hindi ka naglaho sa buhay ko, hindi ko makilala ang mga taong mayroon ako ngayon. In every decision kasi na gagawin mo, may kaakibat na consequences, merong results, merong mangyayari. Kaya siguro kung pinili kong magstay, saktan ang sarili ko at ipagsiksikan ang mundo ko sa mundo mo dati, paniguradong hindi ko makikilala ang taong nagpapasaya sa akin ngayon.

Ang bait sa akin ng Panginoon, ang bait Niya sa ating dalawa sa totoo lang kasi hindi Niya tayo hinayaang mag-invest ng too much feelings para sa isa’t isa at bumuo ng mas marami pang memories kasi siguro nga talagang wala tayong patutunguhan at mas mahirap magmove on kung marami tayong naipundar na alaala. Matuto lang talaga siguro tayong tumanggap ng mga bagay bagay. Matuto tayong tumingin sa positibong bahagi ng bawat lungkot at kabiguan. At hindi 'yong titigil na 'yong mundo natin dahil lang sa nawalan tayo ng mahal sa buhay o iniwan tayo ng taong mahalaga sa atin kasi alam ko, merong bagong dadating, merong bagong magpupuno, merong bagong magpapasaya ulit sa atin at siguro meron ding taong babalik. Maging positibo lang habang hindi pa dumadating 'yong rason kung bakit kailangang may mawala. Pramis, ipagpapasalamat mo pa siguro kung bakit kailangan nilang mawala kasi magiging mas masaya ka pa at kuntento sa bagong dadating sa buhay mo.