roy gamboa

PBB Exclusive: The Audition Stories of Seichang, Kevin, Luz and Roy

Makulit at kwela: si Seichang ay nakilala dahil sa mga natatanging katangiang ito. Hirap mang mag-Tagalog, pilit na idinadaan ni Seichang sa pagiging masayahin ang pakikisama sa kanyang mga housemates. Sa likod ng kanyang masayang disposisyon ay isang masalimuot na pinagdaanan sa bansang Japan.

Si Seichang ay dating law student na napilitang huminto sa kanyang pag-aaral dahil hindi naging madali ang buhay sa bansang kinagisnan. Namulat si Seichang sa isang pamilyang hindi naging buo dahil sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang.  Dahil dito ay hindi lubos na naramdaman ni Seichang ang pagkakaroon ng isang buong pamilya at aminado siyang naramdaman lamang niya ito nang minsan niyang binisita ang pamilya ng kanyang ina sa Davao. Dahil mas angat ang kanyang pagka-Pinoy, nahirapan rin si Seichang makihalubilo sa mga Hapon sa Japan at tuluyang naging “lonely” sa bansang ito.  Mula noon ay inasam na ni Seichang na manatili sa Pilipinas kung saan siya mas naging komportable sa kanyang pagkatao.

Sinubukan niyang magpaalam sa kanyang lola sa Japan upang payagan siyang manatili na sa Pilipinas ngunit nahirapan siyang mapapayag ito. Bumalik siya sa Pilipinas ngunit kinalauna’y na-miss niya rin ang kanyang lola. Sa kasawiang-palad ay hindi niya na ito muling nakasama dahil inilayo ng kanyang ama.

Sa likod ng mga pangyayaring ito sa kanyang buhay, pinipili pa rin ni Seichang na ngumiti na lamang. Ayon nga sa kanya, “chika chika at smile smile lang!”

Matuturing na laging on the move si Kevin na pinanganak sa Japan, ngunit lumaki sa iba’t ibang panig ng mundo. Nakalakihan niya ang kultura ng samu’t-saring mga bansa, tulad ng Germany, Spain, atbp. bago tuluyang manatili sa California, USA ang kanyang pamilya.

Dahil sa nakasanayang paglipat ng tirahan, pinili ni Kevin na hindi bumuo ng barkada at umasa na lamang sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga magulang na parehong prison guards sa California. Hindi man nagkaroon ng permanenteng mga kaibigan, nahasa naman ni Kevin ng husto ang kanyang talent sa pagsayaw at pag-perform.  

Dala ang kanyang killer smile at positive attitude, matupad kaya ni Kevin ang kanyang mga pangarap sa pagpasok sa Bahay ni Kuya?

Mukha mang brusko sa paningin, ang Mom of Steel na si Luz ay hindi lamang isang tigasing Eba ngunit isa rin mapagmahal na ina at mapagkalingang asawa. Sumali si Luz sa PBB na may isang mahalagang misyon: ang malaman ng Pilipinas na isa siyang tunay na babae.

Lumaki sa hirap kasama ang kanyang walong kapatid, si Luz ay maagang natutong magbanat ng buto para mapag-aral ang sarili. Sa katunayan, nakuha niyang makapagtapos ng elementary at high school sa pagtitinda ng goto, sigarilyo at itlog sa Alabang. Upang mairaos naman ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo ay pinasok naman niya ang pagiging isang waitress sa iba’t ibang mga restaurant.

Nahilig si Luz sa pagpapanatili ng kanyang overall fitness at ito nga’y nagbunga sa kanyang pagkapanalo sa iba’t ibang bodybuilding competitions sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Ang pinakahuli niyang karangalang nauwi ay ang kanyang pagkapanalo sa isang competition sa Las Vegas. Sunod na kaya niyang maiuwi ang karangalan na matawag na Grand Winner ng PBB?

Sa edad na 29, maituturing na hari na ng pagbebenta at networking ang Sales Lakay ng Pangasinan na si Roy.

Lumaki sa isang buhay na salat sa karangyaan, natuto si Roy na magsumikap sa kanyang murang edad. Kahit na piso lamang ang kanyang naging baon sa araw-araw na pagpasok sa school, nakuha pa rin ni Roy na maka-graduate bilang Valedictorian sa elementary. Di naging hadlang ang nakagisnang kahirapan sa pagkamit ng kanyang mga pangarap, si Roy ngayon ang maituturing na breadwinner sa kanyang pamilya. Sa edad na 23 ay nakabili na siya ng sariling kotse at sa kasalukuyan ay nakabili na rin siya ng kanyang sariling tirahan.

Sa kanyang pagpasok sa Bahay ni Kuya, isa na namang panibagong goal ang kahaharapin ni Roy. Makamit kaya ni Roy ang inaasam niyang tagumpay?