philippinefiction

XI

Tumayo na ang Heneral. Sa wakas, ay nakatayo na rin ako mula sa pagkakasalpak sa kama at sinagot ang tumatawag sa cellphone.

Unknown number.

“Hello?”

“Miho, it’s me Francis. I knew it, gising ka pa! Pakinggan mo lang ako, please. Pwede ba tayo mag-usap? Sa personal.”

Badtrip.

Bago ko siyang muntik masigawan bigla kong naalala ang paalala ni Goyong dati. Sabi niya hindi raw titigil si Francis kung di ko siya kakausapin. Mukhang tama siya.

“Sige, kelan tayo mag-uusap?” Ang napaka-kalmado kong sagot.

“Now. Nasa may gate ako.”

“Ano?!” Bigla niya akong binabaan.

“Yun ba yuong.. dati mong nobyo?” Ang usisa ng Heneral.

“Oo! Nandito raw siya!” At nagpaikut-ikot ako sa kwarto na parang asong ulol.

“Nagpasya ka na pa lang siya ay kausapin.”

“Sinunod ko lang yun mungkahi mo na kausapin siya. Kaya eto–”

“Naiintindihan ko, ngunit hindi ba’t wala na sa oras ang pagdalaw ng Ginoo?”

“Kaso nandyan na siya eh. Sige, sandali lang, dyan ka na lang muna. Sa labas ko na lang siya kakausapin.”

Lumabas ako at binuksan ang pinto ng gate– anduon siya. Siya pa rin ang lumang Francis na kilala ko. Ang kulay itim na sweater na suot niya ay naka-contrast sa napaka-puti niyang balat na namana niya sa Amerikano niyang ama. Naka-snapback na naman siya at may dalang backpack. Ang tindig niya ay punung-puno pa rin ng confidence na hindi na ata mawawala.

“Hindi mo man lang ba ako papapasukin?”

“Dito na lang tayo sa labas mag-usap.” Hindi dahil sa iniiwas ko sa kanya si Goyong, pero kasi hindi na komportable para sakin ang papasukin siya uli sa loob ng kwarto.

“So it’s true? You’re really living with that guy?” Lumakas bigla ang boses niya.

“Ano ba yung sasabihin mo? Dito mo na sabihin. Hinaan mo lang boses mo, mamaya magising yung may ari ng apartment. Yari ako dun!”

“Miho, I have broken up with Irish kasi na-realize ko ikaw lang talaga ang gusto ko. Sorry kung naging gago ako. Pero ito na, tapos na kami. Please, give me one more chance!"At hinawakan niya ng mahigpit ang balikat ko.

"So feeling mo, napaka-dali lang nun para sakin? Pagtapos mo ako iniwan sa ere at pinagpalit para sa Irish na yan tapos nagsawa ka na din sa kanya kaya babalik ka? Anong kala mo sakin, joke? Oo nga ikaw na ang sikat at playboy, maraming nagkakagusto sayo kaya wala kang pake nung iniwan mo ako, kasi nga diba isa lang naman ako dun sa mga low-class na girls na naging girlfriend mo? Kasi nga di ako kasing sosyal ng mga humahabol sayo at–”

Ang hirap palang bumulong habang galit.

“It’s not true, in fact, you’re the best girl na nakilala ko. Hindi ka maarte kagaya nila. I mean–”

“Pag-iisipan ko. Pwede ka ng umalis.” Ang bigla na lang lumabas sa bibig ko. Hindi ko alam kung dahil ba nag-umapaw ang kagustuhan kong makaganti sa ibang paraan na hindi ko pa alam paano o dahil nagmamadali na ako at ito lang ang way para umalis na siya.

“Really? Oh God. Are you serious? I–”

“Sige na Francis, madaling araw na. Diyos ko.” Sinara ko na ang gate at pumasok sa loob.

Bwisit.

Madaling araw at may oras pa siyang manggulo. Sinadya niya ba yun para mahuli kung talagang magkasama kami ng Heneral?

Pagbalik, ikinwento ko kay Goyong kung anong nangyari sa labas at kung ano sinabi sakin ni Francis.

“Miho, sigurado ka ba sa iyong pasya?” Tinabihan ako ni Goyong sa kama. Hinanap ng mga mata ko yung black notebook niya at mukhang naitago na niya kung saan habang wala ako kanina.

“Hindi ko alam eh. Hindi ko alam bakit ko yun nasabi. Kung balak ko lang ba maghiganti o ano.”

“Pag-isipan mo mabuti ang mga bagay-bagay upang wala kang pagsisihan sa huli.”

“Oo, tama ka. Salamat, Heneral. Oo nga pala, sorry kanina. Narinig ko naman yung kwento mo tungkol sa pagkikita niyo ni Dolly, yung iba lang yung hindi ko narinig kasi lumipad yun utak ko. Tapos yun sa kwaderno–”

“Hindi ko alam na masyado mo palang sineryoso ang aking pagtatampo. At ngayon din, ay mas sigurado na akong isa kang tunay na pilya na dapat ay minsan tinuturuan ng leksyon.” Natawa ang Heneral.

“Ano na nga ba yun? Tutuloy mo bang makipagkita sa kanya? Gusto mo ba talaga si Dolly?”

At binigyan niya ako ng isang ngiti na hindi ko maintindihan ano ang ibig sabihin.

“Ang Dolores na aking nakilala sa aking panahon ay hindi katulad ng Dolores na aking nakakausap sa ngayon. Ang ngiti at ganda ng mga mata ay parehas ngunit ang pagkatao ay naiiba. Ayon sa kanya, ang Pilipinas raw ay punung-puno ng kapangitan kaya’t bago raw siya bumalik sa napakasarap niyang buhay sa Amerika ay nais daw muna niyang magpakaligaya kahit papaano dito sa bayan kung saan siya naipanganak. Wala raw problema sa kanya ang pakikipag-ugnayang pahapyaw.”

Pakikipag-ugnayang pahapyaw? Ano yun, landian?

“Ang mga lalake raw na gaya ko ay madaling mabasa kaya’t hindi ko na itinago ang sikreto ng aking pagkatao at ang aking sadya upang hindi na siya magisip pa na ako'y may masamang intensyon. Pumapayag siyang kitain ako at pagiisipan niya raw ang mga sinabi ko. Ganito nga ba ang paraan ng langit upang madama ko ang pag-ibig ng nakaraan? Ako'y nagpasyang kalimutan ang ibang mga bagay habang ako'y nabubuhay sa kasalukuyan. Sinubukan kong ibaon na ang pag-ibig ng nakaraan sa limot at sinong makapagsasabi na maaari itong bumalik muli? Tuwing siya'y aking nakikita, bumabalik sa akin ang lahat.”

Ang past love ay nakaraan na dahil nabuhay ka na sa kasalukuyan na wala ito, pero pwede pa rin pala mabuhay ang nakaraang feelings– o baka naman in the first place, hindi parin kasi ito nabura, nakatago lang sa puso at naghihintay lang na magising ulit. Nag-decide na pala ang Heneral na subukang mabuhay ng naka-concentrate sa present and future kaysa sa past. Paano na kaya ngayon? Napaisip din ako.

“Ah..” Hanggang ganuon na lang ang salitang lumabas sa aking bibig. Speechless ako, pero sa loob ko andami ko ng naisip.

“Ganito na nga ba talaga ang ibang mga kababaihan sa makabagong panahon kagaya ng banggit ni Paulo? Hindi ko inaasahan ang pagka-agresibo ng mga desisyon at galaw na mayroon siya. Hindi ko alam kung ito'y isang pagsusulit na kailangan kong maipasa. Dahil may respeto ako para sa kanya at hindi ko kayang gawin ang ilang bagay ng dahil lamang sa nakaraan na gusto kong ibalik, nagmadali na akong umalis at sinabing may kailangan pa akong gawin. Sabi ko hahabulin ko pa ang oras ng pag-uwi ng aking kapatid. Sa susunod ay makikipagkita pa rin ako sa kanya kung siya ay papayag. Baka may pag-asa pa na sa kanya ko mahanap ang kasagutan.”

“Putris! Ano sabi mo? Dinahilan mo ko?” Di kaya ma-bwisit sakin tong si Dolly? At ano tong agresibo at pagsusulit na dapat maipasa? Tintest kaya ni Dolly ang pagkatao ni Goyong? Narinig ko na naman ang salitang ‘kapatid’, hindi ko alam kung matutuwa ba ako o malulungkot– para kong naramdaman lalo na may manipis na harang sa aming dalawa ng Heneral.

“Oo, mga isang oras bago maghating-gabi nuon at naisip ko baka ikaw ay di ko pa maabutan. At ika'y hindi ko nga talaga naabutan!”

“Naabutan mo naman ako, sa tapat ng gate.” Napa-ngiti ako.

“Naaalala ko sa iyo ang pinakamamahal kong si Paz.” Bakas sa mukha niya ang matinding nostalgia at lungkot. Nagkwento siya tungkol sa kanyang kapatid na babae, kung gano na niya siya ka-miss pati na ang pamilya niya. Sobrang nakakalungkot na marinig ang lahat ng mga kwento niya. Inisip ko yung mismong na-feel niya nuong nalayo siya sa kanyang pamilya para sa mga responsibilidad sa bayan na hindi niya kailanman ay tinalikuran. May isang araw na nagka-usap raw sila ng kuya niyang si Pablo nuong bumisita ito sa kanya sa Dagupan, sinabi niya raw na lalaban siya hanggang sa huli- sa napakarami at malakas na kalaban kaya pwede na raw sabihin sa kanyang pamilya na ituring na lamang na siya ay patay na. Hindi na raw siya umaasang magtatagal pa sa laban. Kinilabutan ako sa flashback story na ito at gusto kong maiyak sa sobrang bigat ng pakiramdam.

“Sa ngayon ikaw na lamang ang aking pamilya. Hindi lamang ito pagtanaw ng utang na loob. Nais kong tunay na ingatan ka na para ko ng kapamilya kagaya ng aking nasabi na tumira tayo ng magkasama bilang magkapatid. Nawa'y di mo ito masamain.”

At bigla niya akong dinamay sa kwentong pamilya.

Na-touch ako sa sinabi niya kahit pa sa salitang 'kapatid’ ay mukang limitado na ang aking relasyon sa kanya. Maliban kay Pau at sa aking nanay na malayo sa akin, wala na ata akong tinuturing na malapit na kapamilya dahil patay na rin ang tatay ko at wala akong kapatid. Ngunit ito, nandito sa aking tabi ang isang lalakeng iingatan daw ako sa kasalukuyan. Sino pa ba ako upang tanggihan ang sinabi ng Heneral? Dapat na ako maging kuntento na gampanan ang dating tungkulin ni Paz bilang isang mapagmahal at mapagarugang kapatid kay Goyong.

Di ako maka-get over sa mga kwento niya na pakiramdam ko na hahagulgol na ako maya-maya.

“Oo naman, ba’t ko mamasamain ang–” Nanginginig ang boses ko at ramdam ko ang panlalabo ng mata ko dahil sa luha na na-ipon na anytime ay babagsak na. Tumayo siya at kumuha ng baso ng tubig at uminom. Na-uhaw ata siya kakadaldal.

“Sandali lamang, ikaw ba ay umiiyak?”

Oo, kasalanan mo to, Heneral. Badtrip.

“H-hindi ah.” Suminghot ako para hindi tumulo ang sipon at patakbong pumunta sa mesa para kumuha ng Kleenex.

Sa di inaasahang timing, umarangkada na naman ang pagiging clumsy ko at nadulas sa isang nakakalat na papel sa sahig na di ko kaagad napansin dahil busy akong pagtakpan ang aking pagiging affected. Tangina, lamuymoy na may cellphone number na naman ba yan na nakakalat sa sahig? Mabilis sana ang reflex ni Goyong at kaagad niya akong nasalo ngunit sa sobrang bilis (o bigat ko) ay di na niya ako na-i-angat at nadamay siya sa pagkahulog.

Naramdaman ko ang sakit ng pagkakatama ng ulo ko sa sahig (pakiramdam ko magkaka-bukol na ako maya-maya) at dahan-dahang dumilat. Ang kanyang kulay-kapeng mga mata ay malapitang nakatitig sa akin at pakiramdam ko naduling na ako. Naramdaman kong bumilis ang tibok ng puso ko na parang hindi ako makahinga. Napadpad ang tingin ko mula sa mata hanggang sa ilong at umabot sa labi. Inobserbahan ko ang kaniyang paghinga at napansin ang kaliwang kamay niyang nakatukod sa sahig at ang kabila naman ay mahigpit na nakasuporta sa aking katawan. Ang kanang binti niya ay nakapagitna naman ng sa akin at nanatili kami sa ganitong posisyon ng halos mga ilang segundo. Parang parehas namin di alam paano gagalaw, hanggang sa naisip ko na kailangan ng bumalik sa realidad dahil ansakit ng ulo ko.

Dahan-dahan akong pilit bumangon habang hawak ang kanyang mga braso. Tumayo din siya at inalalayan ako.

“May nagbigay na naman ba sayo ng cellphone number? Pahamak yang lamumoy na nakakalat!” Parang yun lang lumabas sa bibig ko na salita at bigla akong natawa sa sarili ko habang kinakapa ang ulo ko. Naisip kong hindi natuloy ang pag-e-emo ko ng dahil duon.

NR (No Reaction) si Heneral.

“Huy! Goyong! Anong nangyare?” Kumaway ako sa harap niya.

“Ikaw ba ay nasaktan? Masakit ang iyong pagkakabagsak, hindi ba?” Sa wakas, bumalik na ang kaluluwa niya sa realidad.

“Hindi, ok lang ako. Kailangan ko rin minsan mauntog para biglang matauhan no!”

At sa tingin ko, minsan, kailangan ko nga talagang mauntog ng malupit para magising ako sa katotohanan at tanggapin ito. Paano ko pipigilan na gustuhing abutin ang talang nasa harap ko na? Patuloy lang ito sa pagkinang at ako naman ay patuloy lang na namamangha sa ganda nito.