patag

Nawalan na naman ako ng taong mapagkakatiwalaan ko pero alam ko ako rin yung may kasalanan kung bakit ganon ang nangyare. Hindi ko rin naman masisisi ang mga taong dumadaan lang sa buhay ko at bigla rin aalis. May tatagal nga pero habang patagal ng patagal, palaho rin ng palaho. Kaya nakakatakot ng tumanggap ng tumanggap ng tao sa buhay mo eh, dahil lagi na lang nawawala. May mga pumapalit nga, aalis din naman. Ayoko na, sawa na ako.

Wala Pala

Gusto ko lang balikan ang nakaraan
Sa kung saan wala tayong kasiguraduhan
Malabo lahat
Walang tayo
Komplikado
Pero bakit nga ba na kung kailan ako hindi sigurado doon pa ako pinakamasaya

Ewan ko nga ba
Kung bakit ako pumayag sa isang malabong laro para lang makasama ka
Para lang sumaya
Kahit alam ko na pansamantala
Minahal nga siguro kita
Hindi kasi ako yung tipong nagpapadaig, nagpapatalo
O sumusugal sa bagay na malabo
Pero oo, sumugal ako sa'yo
Walang atubili
Walang teka-teka ano ba ‘to
Mabilis pa sa alas kwatro

Oo, sumugal ako sa'yo
Kahit walang pangako ng panghabambuhay na pagsasama
Kahit walang kinakapitang “oo, sige tayo na.”

Sumugal ako sa'yo
Sa kabila ng paghadlang ng mga kaibigan ko
Sa pagasang isang araw magbabago
Pagasang mapapalitan na ang salitang “malabo” ng isang nagmumurang TAYO

Bakit ako pumayag na maging pasamantala
Naguumpisa pa lamang pero natatanaw ko na
Ang pagkawasak ng puso kong hindi handa
Nakakatawa na minsan pala masaya maging tanga

Patagal ng patagal
Inakala ko na dalawa na tayong sumusugal
Iniisip na baka ito na ‘to
Lalo na nung sinabi mo na mahal mo rin ako
Nung sinabi mo na “masaya ako sa'yo.”
Nung mga oras na hinawakan mo ang mga kamay ko
Sabay halik sa noo
Sabay bitaw sa isang pangako
Na parang bang hindi mapapako
At magsisilbing pambura sa sitwasyong napakalabo

Ngunit isang araw, tinulak mo na lang ako palayo
Nakahanap ka na pala ng taong mas magpapasaya sa'yo
Mas magbibigay ng kulay sa mundong ginagalawan mo
Mas magbibigay kahulugan sa mga panaginip mo
Mas magmamahal sa gagong katulad mo

Pasensya ka na
Umaasa na kasi ako
Nakalimutan ko na mayroon nga palang dulo
Ang sitwasyong binuo mo, ko, tayo..
Mayroon nga palang katapusan
Itong kasunduan
Na gusto kong na lang balikan
Ang sitwasyong walang kasiguraduhan

Pasensya ka na
Akala ko kasi meron na
Pero wala pala talaga