palayo

Sining Ng Pagbitaw

Hindi ko magawa na bitawan ka
Dahil alam ko na kapag ginawa ko ‘yon,
May sasalo sa'yong iba.
At hindi ko alam ang daan kung saan ako pupunta.
Wala akong kamalay-malay
Kung ano ang aking gagawin.
Kapag bumitaw din ba ako,
May sasalo kaya sa akin?

Hindi kita mapakawalan,
Kahit hirap na hirap na ako.
Hindi kita mapakawalan,
Dahil 'di ko makita ang aking sarili na wala sa tabi mo.

Hindi kita mapakawalan.
Hindi kita mabitawan.
Hindi kita kayang iwanan.

Hindi kita mapakawalan –
Pero ako itong unti-unting nawawala sa proseso.
Hindi kita mabitawan –
Pero binibitawan na ako ng sarili ko mismo.
Hindi kita kayang iwanan –
Pero ikaw na itong lumalayo;
Palayo, sa akin.

Bumubulong na sila.
Sumisigaw na sila.
Umaalingaw-ngaw na ang mga boses nila.
At naririndi na ako.
Dahil ninanakaw ng mga boses na ito
Ang kapayapaan sa aking bawat gabi.
Dinudukot ang mga pagkakataon
Na makapagpahinga ako nang matiwasay.

Bumubulong.
Sumisigaw.
Umaalingaw-ngaw.

Bumubulong –
TUMIGIL KA NA.

Sumisigaw –
IWANAN MO NA SIYA.

Umaalingaw-ngaw –
NASASAKTAN KA NA.

Pakiusap lang, maawa ka sa sarili mo,
Bumitaw ka na.

At habang binabalot na ng kadiliman ang kalangitan,
Kagaya ng pagyakap sa akin ng aking kumot at mga unan,
Sa bawat gabing nagpapakalunod ako sa aking mga luha at sa kalungkutan,
Naliwanagan ako.
Na kung kayang bitiwan ng araw ang langit
Para makita ng mundo kung gaano kaganda ang itinatagong alindog ng dilim,
Ay tiyak na kakayanin ko –
Ang kumalas
mula sa mga alaala mo.
Ang bumitaw at palayain
ang isang tulad mo.

At sa bawat dapithapong pinapanood ko ang paglubog ng araw
Kasabay ng pagtatalo ng liwanag at dilim,
Ay sisibol ang mga bituin;
Uusbong sila at magniningning.
Ang kanilang mga apoy ay magsasayawan sa alapaap.

At sa paglalim ng gabi,
May iilang mahuhulog sa kanila.
Iba’t iba man ang patutunguhan
Pero ang layunin nila ay iisa –
Ang bigyang katuparan ang isang hiling
na sana,
Mabitawan na kita.

Mamahalin kita hanggang dulo.
Yan ang mga katagang sinabi mo,
Mamahalin mo ako hanggang dulo.
Mahal ko, nandito na tayo sa dulo.
Ang isip ko ay gulong-gulo,
Hindi ko alam ang gagawin ko,
Hindi ko alam kung saan ako tutungo.
Kung mananatili ba ako sa lugar na pinag-iwanan mo,
At maghihintay hanggang sa muling pagbabalik mo.
O kung susundan ka sa kung nasaan ka man mahal ko,
Patutunayan at ipaglalaban ang pagmamahal ko sa iyo.
O magsisimula na ring maglakad palayo,
Sa lugar kung saan makikita ang mga ala-ala ng ating pagkaguho.
Pagmamahalan na walang hanggan.
Naririto tayo ngayon sa hangganan.
Hangganan ng pagmamahalan at paalam.
Mahal ko, hindi na ba muling mapagbibigyan?
Pinagsamahan ay kailangan ba talagang wakasan?
Mga pangako sa isa’t isa’y tuluyan na bang kakalimutan?
Hindi na ba kayang mahalin ang mga kapintasan?
Hindi na ba kayang patawarin ang nakaraan?
At muling suungin ang landas ng ating pagmamahalan.
Mahal, hawakan mong muli ang aking mga kamay.
Sabihin mong hinding-hindi mo na ako muling bibitawan.
Mahal, ako ay iyong muling hagkan.
Maramdaman ang iyong pagmamahal sa init ng iyong katawan.
Mahal, mahalin mo akong muli,
Mahalin mo akong muli,
Na parang ito na ang huli.
Titiisin ko ang mga sakit,
Kahit na paulit-ulit.
Mga mata ay ipipikit
Sa lahat ng dusa at pait
Huwag mo lang ako iwan ulit.
At huwag muling masambit-sambit
Ang mga katagang,
Mahal kita subalit…
paalam na.

Malapit na.
Konti nalang.


Kung pwede lang ipikit ko nalang ang aking mga mata habang buhay habang ninamnam ko ang hapdi ng mga paltos at lapnos ng iyong mga pagkukubli— baka sakaling mas makaya ko pa kapag hindi ko nakikita. Kung pwede lang habang nilulunok ko ang bawat kasinungalingan mo at tinatawanan ko lang ang pait, walang mamarkang sakit sa aking mga noo.


Pero hindi ako bato.


Nararamdaman ko ang unti-unti mong pagbitaw. Nakikita ko rin ang unti-unting pag gunaw ng mga pangarap, ng mundo, ng kinabukasan na binuo mo. Isang araw, marahil wala na akong magagawa kundi ang masdan kang maglakad palayo at magtanto na hindi ka na babalik pa. Isang araw, batid kong wala na akong hihintaying umuwi sa akin. Wala na akong sasalubungin ng kahit pilit kong mga ngiti, walang pagod kong ihaharap sayo.

Malapit na.
Konti nalang.

Ayokong kumalas. Ayokong sukuan ka. Dahil nung nangako akong mamahalin kita, ang ibig sabihin nun, kakayanin ko. Kahit gaano kahirap o kasakit, maging karapadapat lang sayo. Maging sanhi lang ng kasiyahan mo.

Mo.
Pero paano naman ang ako.
Yung “ako” na nauubos
At mas nauubos pa
Habang ipinagbubuklod ko
Ang “tayo”.
Yung “tayo” na isinasantabi mo pag naiinip ka na
Yung “tayo” na kinakalimutan mo kapag may makita kang iba.
Yung “tayo” na kinakapitan ko parin hanggang ngayon.


Malapit na rin.
Konti nalang.

Sana, pag magdesisyon ka ng kumapit at lumaban
May lakas pa akong lumaban at kapitan ka.


Malapit na kasi,
Konti nalang.

Pasuko na.
Pa-ayaw na.
Pagod na.


Photo by @suhniga

#writings
#prose
#tagalog

Made with Instagram

Mahal,

Alam ko naman na darating yung araw na magsasawa ka nang umintindi, na nakakatulog ka na ng magkaaway tayo, na wala ka nang pakealam sa opinyon ko, na magugulat nalang ako dahil nasabihan mo ako ng masakit na salita, na pinagtataasan mo na ako ng boses, na ipagtutulakan mo na ako palayo, na sasabihin mo ayaw mo na.. pero hindi ko naman alam na ngayon yung araw na yun, hindi ako handa. Sabi mo wag akong bibitaw, kumapit naman ako, pero anong ginawa mo?

Nagmamahal,
Sino pa ba?

Patawarin mo ako kapag sinabe kong ayoko na. Wala kang kasalanan, dahil ako. Ako ang nagtulak sayo palayo. Napagod ako sa kakaisip ng kung ano-ano. Inis, galit, lungkot at hinala ang bumabalot sa aking pag-iisip. “Sarado ang iyong isipan” nasambit mo noong magkaaway tayo. Maaaring tama ka. Wala sayo ang problema. Nasa akin. Pero hindi mo ako masisisi, dahil natatakot lang ako na mawala ka. 

At ngayon na nangyari na ang aking kinakatakot, malaya ka na. Hindi na ako ang mag papasaya sayo. Ibang tao na. 

Lipad na, malaya ka ng liparin ang mundong matagal mo ng ninanais marating.

Wag kang pusher.

Itutulak mo ko palayo hanggang sa di ko na makita ang sarili ko.
Itutulak hanggang sa mahulog ako sa banging ginagawa ng malungkot kong puso.
Hanggang sa mahulog, at masaktan.
Magkasugat at magmahid-manhidan.

Wag kang pusher.
Itutulak palayo dahil di mo nako gusto.
Itutulak hanggang sa ako'y matalisod at di na makatayo.
Di na makausad hanggang sa tuhod ko'y magdugo.
Iiyak nalang ang sakit at pipiliting umalis na feelings na tila naging isang bagyo.

Wag kang pusher.
Na kaya mo kong iwanan mag-isa pag sawa ka na.
Aabandunahin kapag ayaw mo nako makasama.
Ipamimigay sa iba dahil di mo nako kailangan.
Sasabihing “Ano ba yan, tatanga-tanga ka.”

Wag kang pusher.
Na kaya mokong itulak ng paulit-ulit.
Bibitawan ng napaka sakit.
Iiwanan na parang isang laruang naluluma.
Na itatapon mo kapag nagsawa ka na.

Wag kang pusher.
Imbis na itulak moko palayo,
Bakit di moko ilapit sayo.
Dyan mismo sa puso mo.


Wag kang pusher // XXVII

Hahahahahahahaha tawa ako ng tawa kay Mhigz xD Pagkagising ko kasi nandito na sya sa kwarto. Tapos nakikipaglaro na sya sakin, after ko ayusin kama ko. Naghahame hame wave kami. E imbis na “haaaa-mehamewave” ang pagka-“haaaa” ko dinugtungan ko ng “hahahaha” (evil laugh) Nung unang dalawang beses tumatawa lang sya nung pangatlo niyakap nya na ako. Yun pala natatakot na sya tas nung gagawin ko na ulit, tumakbo sya sa kabilang dulo ng kama. Hahahahaha Pati si ate tawa ng tawa. Kapag nalapit kasi sya nag hahaaaa ako na husky natakbo sya palayo. XD