pagmamahal sa bayan

Pagmamahal sa Sarili, sa Kalahi at sa Pilipinas

Huwag na nating intindihin ang tingin ng ibang lahi sa mga Pilipino. Mahalaga ba ang panlalait nila kung alam natin sa sarili na hindi tayo tulad ng aso na tinutukoy nila? Wala silang alam sa nangyayari sa ating bansa. Marahil nga ay hindi pa sila nakakapunta rito. Importante lang ay kung paano natin tignan ang kapwa natin Pinoy. Kung paano natin tratuhin ang sambayanan. At kung paano natin mahalin ang ating bansa.

Siguro ang marami sa atin ay sawang sawa na sa mga litanyang mahalin natin ang sariling atin, wala nang magmamahal sa ating bansa kundi ang naninirahan dito, at napakarami pang iba. Paulit-ulit na isinisigaw ito ng iba’t ibang tao, mapaluma, pumanaw na o bagong sibol na nagpapakita ng pagmamahal sa bayan. Napakaraming taon na ang lumipas ngunit ang mga salitang namutawi ay hindi naisagawa. Nagtengang-kawali ang mga mamamayan. Narinig ngunit hindi nakinig. Nagmarunong, matalino na umano, huwag niyo kaming diktahan, buhay namin ito. Mapapakain ba kami ng pagmamahal na iyan? Nagyabang. Tila masamang hangin lang na umaalingasaw ang pagbanggit ng Panatang Makabayan. Sumabay sa katapusan ng tula ang halaga nito. Mas inintindi natin ang nakangangalay na pagtaas ng kamay kaysa sa sinasabi nito.

Kasing dugyot na natin ang kalsada ngayon. Kasing dumi, baho at babaw na natin ang Ilog sa paligid. Gaano kasakit ang mabalahura ng sarili mong kabayan, ng kapwa natin Pilipino? Wala kang karapatang umangal dahil matagal na natin itong ginagawa sa ating bansa. Ginagago, tinatarantado, pinuputa natin ang Pilipinas!

Anong pinagkaiba natin sa aso? Kung sa kaunting kanti lang sa atin, kahol na tayo ng kahol? Para tayong may tagalinis ng dumi. Tila hindi natin alam kung saan ang tamang lagayan ng basura.

Wala tayong pagmamahal sa kapwa, sa Pilipinas. Wala. Kaya wag tayong aangil kung maging ang ibang bansa ay hindi tayo ginagalang.