pag agos

Naisipan kong balikan ang ating usapan,
mga mensahe mo'y muli kong binuksan.
Ating alaala'y nagsibalikan,
sakit ng nakaraa'y muli kong naramdaman.

Pag-agos ng luha'y di ko napigilan
dahil sa mga pangakong binitawan,
tulad na lamang ng walang hanggan
ngunit naiwan na lamang sa pahina ng nakaraan.

Mga ngiting nakaukit sa’yong labi,
pati na rin ang paghagikhik mo sa hating-gabi.
Ito’y mga ala-alang naghahatid ng hapdi
sa puso kong sawi. 

Puso’t isipan ko’y gulong gulo,
‘di malaman ang tunay na gusto.
Kung ipaglalaban pa ba ang salitang tayo
o pipiliin ko nalang na sumuko.

Nais ‘man kitang balikan,
ngunit wala na akong makitang dahilan,
para ika’y ipaglaban
sa ating pag-iibigan.

i. May duguang pusong nakahimlay sa gitna ng EDSA, naghihingalo ngunit tumitibok-tibok pa rin. May rumaragasang bus sa ‘di-kalayuan, isang kidlat na humaharurot sa baradong ilog. Hindi ito isang kwento ng pag-ibig. Isa itong litanya para sa mga nakalimutang pangako. Isa itong bukas na liham ng mga lumisan sa kanilang nilisan.

Yakap-yakap siya ng
bisig ng usok ng yosi.
Nakaupo sa gilid ng kalsada.
May hindi maipaliwanag na talinghagang
nakikipaglaro sa kanyang isip.

“May alam ako na hindi mo alam” wika ng Ulap.
“Ako rin naman” sagot ng Bituin.

ii. May dalawang pares ng mga kamay sa terminal. Ang isa’y pilit bumibitiw. Ang isa nama’y pilit kumakapit.  Nakalawit sa may bintana ang unang pares. Ang ikalawa ay nasa labas, kinakalampag nang paulit-ulit ang katawan ng higanteng yerong halimaw .“Itigil nyo ‘to, itigil nyo ‘to” ang alingawngaw ng ikalawang pares ng kamay. Dabog. Hampas. Paulit-ulit. Palakas nang palakas. Ngunit may isa pang kamay sa loob ng bus, ang totoo nga nyan ay maraming kamay. Pero itong isang kamay na ito ay kinabig na ang kambyo, at hindi na matitigil pa sa paglayag ang yerong halimaw.

May pakpak sa pagitan
ng kanyang mga ngipin. Dahan-dahan nya
itong nginunguya: bawat buto, bawat bagwis,
isang nguya sa kada laman ng bumagsak na anghel.
Tutulo ang dugo mula sa bibig nya.
Hindi nya alam kung galing ito
sa gilagid o sa baga nya pero sigurado
syang hindi ito galing sa pakpak na
nginangata nya.

“Magtatagpo rin naman tayo” wika ng Araw.
“Oo naman, sa dapithapon. Sa dapithapon.” sagot ni Buwan.

iii. May mga aninong umiindayog sa init ng aspalto: dalawang pares ng paa. Sa kada isang hakbang pa-abante ng una ay sinusklian ito ng dalawang hakbang palayo ng ikalawa. Hindi ito kwento ng habulan. Ito ay isang kwento ng paglayo sa mga nakagisnan. Ito ay kwento ng pagtakas sa kahapon at pagtakbo papunta sa bukang-liwayway.

Nasa gilid sya ng tulay sa dulo ng bulibard.
Walang saplot sa katawan at walang salitang
namumutawi sa mga labi.
Bakas pa sa rurok ng kanyang likuran
ang sugat. Halatang kani-kanina lang
ay may nakaugat pang kung ano rito.

“Huwag mo na akong sundan ‘pag umalis ako” wika ni Kidlat.
“Pero magkadugtong tayo” sagot ni Kulog.

iv. Dikit-dikit ang mga sasakyan. Wala halos kilos. Sa loob ng mga sasakyan ay mga bibig, nagsasalita, nagsasalitan ng diwa, nagsasalatan ng kaluluwa. Sa loob ng mga sasakyan ay mga mata, kumukurap-kurap, nakikita lamang ang nais makita. Punong-puno ng balat ang mga sasakyan, pero hungkag ang karamihan ng mga ito. Punong-puno ng mga tao, ngunit uhaw naman sa pagpapakatao.

Patuloy lang sa paglalakad
ang mga tumatawid.
‘Di sya inaalintana
maski kahit na anong segundo
ay pwede syang bumulusok
pababa

“Kung lumisan ba ako, susunod ka sa akin?” wika ng Maya
“Oo naman, basta ay pareho tayo ng patutunguhan” sagot ng Kalapati.

v. May humaharurot na bus sa EDSA. Nasa lapag pa rin ang duguang puso. Kasabay ng pagbilis ng yerong halimaw ay ang pagbilis din ng pagtibok ng duguang laman. Diretso ang daloy ng ilog. Humaharurot nang humaharurot. Walang pakundangan hanggang sa magulungan at mapisat ang duguang puso. Walang kamalay-malay ang kamay na may hawak ng kambyo at ang iba pang kamay na nasa bus.  Bubuksan ng unang pares ng kamay ang bintana at magtatapon palabas ng isang pares ng tainga. Sakto itong babagsak sa ngayo’y gutay-gutay nang puso. Maririnig ng tainga ang lahat: ang  papalayong ingay ng bus, ang mga hungkag na bulungan sa mga sasakyan, ang mga paang umiindayog sa aspalto, at ang unti-unting pagtigil ng pagtibok.

Mabilis na ang pag-agos ng ilog,
tuloy-tuloy na ang paglalayag ng
mga yerong halimaw. Patuloy ang
mga walang patutunguhang usapan
sa loob ng mga ito. Hindi nagdulot ng pagbara
sa daloy ang kanyang katawang balot sa
dugo, walang saplot, walang pakpak.

“Lahat naman tayo bumabalik sa pinanggalingan natin” wika ng patak ng ulan.
“Ibahin mo ako” sagot ng patak ng luha.

—  EDSA: Isang Litanyang Urban | (j.d.a)

Ngunit kailangan nang magpaalam

May iba ka nang kapiling

-

Natatanging sinisinta 

Ngunit wala say'ong mga mata 

Pag-ibig na tulad ng araw, 

Buwan, at ng mga tala 

-

 Sa pag-agos ng panahon 

Pagmamahal ay di magbabago 

Mapa-bukas mula kahapon, 

At kahit ‘di naiisin, hanggang ngayon

3

Unang Ulan ng Abril. Ang inaabangan naman talaga ng mga tao ay ang unang ulan ng Mayo, at tila wala silang pakielam sa unang ulan ng Abril dahil walang nagsabi na mahalaga ito, na mayroon itong ibig sabihin. Nakita ko ang unang ulan ng Abril katulad ng iyong unang pagbuhas sa aking buhay.

Walang nagsabing darating ka. Walang naghintay na magkakaroon ng isang tulad mo sa buhay ko, na para bang isang biglaang ulan. Ngunit ang iyong pagbuhos ang muling bumuhay sa natutupok kong pag-asa. Ang iyong mga halik ay tila mga ambon sa aking natutuyot na lupa, at sa iyong pagdating, naramdaman ko ang nakukulob na init na dumirikit sa aking balat. Ang pawis ko ay wala na, tulad ng luha, tulad ng init na hindi mapawi, ngunit alam kong dadalhin na sila ng iyong pag-agos patungo sa mga estero.

Hindi man ikaw ang unang ulan ng Mayo na aking pinakaaabangan, ikaw ang ulan na dumating sa mga panahong naghihintay ako sa isang bagay na hindi ko alam kung darating pa nga ba. Ikaw ang pumawi sa init ng tag-araw, ang nagdala sa akin ng paborito kong pagkakataon.