malabo tayo

malabo tayo,
malabo ang bawat
“kamusta” maging
ang bawat “ingat ka”
malabo kung ano ako sayo
ngunit malinaw kung
para sa akin ay ano ka
pumupunit ang bawat
sagot na “salamat”
sa mga pasabi kong
“mahal na mahal kita
gumuguhit ang bawat
“matulog ka na”
sa mga gabing sinabi kong
“sana makausap pa kita”
ganito tayo,
malabo pa sa tubig ulang
pinagtampisawan ng
tila nag-aasar na tadhana

“How do you walk away from someone who made you feel so much?”

i. Ito ‘yong tanong na paulit-ulit na sumasagi sa isipan ko sa tatlong linggong pagpupumilit kong kalimutan kung anong meron sating dalawa. Hindi naman naging tayo pero bakit parang ang bigat-bigat at hirap na hirap akong talikuran ka’t kalimutan. Dahil ba sa ilang taong nakalipas na naging manhid ako, pinili kong buksan ulit 'yong puso ko para sa'yo kaya ito'y parang naninibago?

ii. May mga araw na ginusto kong balikan 'yong mga panahong “okay pa tayo”. 'yong panahong malabo pero okay tayo. Iisa ang frequency na dinadaluyan 'nong mga titig at simpleng ngiti nating dalawa sa isa’t isa. Pero ang tumitig sa'yo ngayon eh di ko na magawa, kasi natatakot ako. Natatakot akong sa mga mata mo'y muli akong mahulog sa walang kasiguraduhang sitwasyon.

iii. Para sa taong nagmamahal, mas pipiliin ba niyang mahulog at malunod sa imahinasyon nang kung ano meron sila o matutong lumangoy sa alon ng reyalidad ng buhay pagbukas ng mga mata niya?

iv. Minsan ayoko na lang mag-isip. Napapagod ako. Napanghihinaan na ako. Nawawalan ako ng kontrol sa iilang parte ng buhay ko, at ayoko 'non. Ayoko ng ganito. Pero gusto kong mahalin ka—ng buo, ng walang takot at inhibisyon. 

v. Higit sa lahat, gusto ko ring mahalin mo ako ng buong tapang at walang pag-aalinlangan. Bakit ba hindi mo ako magawang ipaglaban?

Shhh.
Tahimik.

Dito lang tayo sa madilim.
Dito lang tayo sa malabo.

Dito lang tayo sa walang ibang naririnig kundi ang bilis ng hangos mo tuwing kinakabisa mo ang bawat peklat sa balat ko at parang bilang mo na ang bawat hibla ng balahibo na tumatayo tuwing niyayapos mo ako. Dito lang tayo dahil naglalaho ka sa liwanag. Lahat ng malinaw sa dilim, lumalabo tuwing na sisikatan ng konting araw. Mas malabo tayo tuwing klarado. Kaya dito lang tayo.

Hangal ba ako kung minsan, yung paghaplos mo ay nilalapatan ko ng kakaibang imahenasyon? Baka lang naman, gusto mo akong gawing tahanan. Ngunit kinilala mo ako sa dilim. Nagpakilala ka sa akin sa gabi. Sa walang may alam. Sa walang nakakakita kundi ang payak nating mga titig na aninag nalang ang natatanaw. Kinilala mo ako hindi gamit ang iyong paningin, bagkus ay ang iyong pandama. Kinilala mo ako sa bawat hubog ng aking kabuuhan. Sa bawat impit ng aking daing. Sa bawat pagkapit ko sa iyong likod at sa bawat bilang ng kalmot ko sa iyong laman. Hangal ako na pinapaniwala ko ang sarili kong may pag-ibig na nagdudugtong sa ating mga katawan na sanay ng magsayaw sa dilim. Kahit hindi lingid sa aking kaalaman na ito ay makamundong pagnanasa lang para sa iyo at naghahanap ka lang ng baga na papaltos sa balat mo. At pinili mo akong silaban. Pinili ko ring masunog kasama ka.

Ang tawag ko dito ay Pag-ibig.
Ang tawag mo dito ay Romansa.

Libog. Init lang ng katawan. Parausan. Panandaliang kasiyahan. Nagtikiman lang. Pinuno mo lang ng laway ang bawat parte ko na tila minamarkahan mo kung alin dito ang sayo. Nilampasan mo ang puso ko. Baka dahil sa lahat ng parte ng katawan ko, ito ang ayaw mong mapasayo. Ayaw mong angkinin dahil hindi mo kayang panindigan.

Shhh.
Tahimik.

Minsan, binulong ko sayo na mahal kita. Kasabay ng pagtulo ng pawis. Kasabay ng pag-iisa. Kasabay ng pag- ungol ng isagad mo pa.

Mahal kita.

Sinabi ko sayo habang nasa ibabaw ka.

Mahal kita.

Sinabi ko ito ng nakatitig sa mga mata mo.

Mahal kita.

Sinabi ko.

“Masarap ka.”

Yun ang sagot mo.

Wala Pala

Gusto ko lang balikan ang nakaraan
Sa kung saan wala tayong kasiguraduhan
Malabo lahat
Walang tayo
Komplikado
Pero bakit nga ba na kung kailan ako hindi sigurado doon pa ako pinakamasaya

Ewan ko nga ba
Kung bakit ako pumayag sa isang malabong laro para lang makasama ka
Para lang sumaya
Kahit alam ko na pansamantala
Minahal nga siguro kita
Hindi kasi ako yung tipong nagpapadaig, nagpapatalo
O sumusugal sa bagay na malabo
Pero oo, sumugal ako sa'yo
Walang atubili
Walang teka-teka ano ba ‘to
Mabilis pa sa alas kwatro

Oo, sumugal ako sa'yo
Kahit walang pangako ng panghabambuhay na pagsasama
Kahit walang kinakapitang “oo, sige tayo na.”

Sumugal ako sa'yo
Sa kabila ng paghadlang ng mga kaibigan ko
Sa pagasang isang araw magbabago
Pagasang mapapalitan na ang salitang “malabo” ng isang nagmumurang TAYO

Bakit ako pumayag na maging pasamantala
Naguumpisa pa lamang pero natatanaw ko na
Ang pagkawasak ng puso kong hindi handa
Nakakatawa na minsan pala masaya maging tanga

Patagal ng patagal
Inakala ko na dalawa na tayong sumusugal
Iniisip na baka ito na ‘to
Lalo na nung sinabi mo na mahal mo rin ako
Nung sinabi mo na “masaya ako sa'yo.”
Nung mga oras na hinawakan mo ang mga kamay ko
Sabay halik sa noo
Sabay bitaw sa isang pangako
Na parang bang hindi mapapako
At magsisilbing pambura sa sitwasyong napakalabo

Ngunit isang araw, tinulak mo na lang ako palayo
Nakahanap ka na pala ng taong mas magpapasaya sa'yo
Mas magbibigay ng kulay sa mundong ginagalawan mo
Mas magbibigay kahulugan sa mga panaginip mo
Mas magmamahal sa gagong katulad mo

Pasensya ka na
Umaasa na kasi ako
Nakalimutan ko na mayroon nga palang dulo
Ang sitwasyong binuo mo, ko, tayo..
Mayroon nga palang katapusan
Itong kasunduan
Na gusto kong na lang balikan
Ang sitwasyong walang kasiguraduhan

Pasensya ka na
Akala ko kasi meron na
Pero wala pala talaga

Malabo? Tayo. Oo. Sobrang malabo na magtagal pa tayo. Sobrang labo na maging tayo pa hanggang sa huli. Sobrang labo na. Ang dami nang humahadlang sa atin. Sabihin man natin na mahal natin ang isa’t isa at di dapat tayo magsusukuan pero dapat rin natin isipin ang kung ano mas nakakabuti sa atin. Pasensya na aking mahal. Pasensya kung mas gusto ko yung mas nakakabuti sa atin kesa naman sa ganito. Pasensya na aking mahal. Mahal na mahal parin kita. Siguro di man ngayon pero darating parin yung panahon na sasaya parin tayo. Di man sa piling ng isa’t isa. Basta’y masaya tayo.