magiging okay ang lahat

Madali magsabi ng, “kaya mo yan, magiging okay din ang lahat” sa ibang tao pero kapag nasa sitwasyon ka na mismo, mahirap gawin lalo na kung niyayakap ka nang lungkot, sakit, pressure at pagkatalo.

Syempre nakakalungkot naman talaga pag may masamang nangyari. Syempre kahit anong payo sayo ng mga kaibigan mo na magiging okay rin ang lahat ay hindi mo kayang taos-pusuing pakinggan kasi ano, nasaktan ka syempre ano pa ba. Pag nasasaktan ka minsan sarado ang utak mong makinig. Minsan puro emosyon ka lang. Minsan ang lahat ng nakikita mo ay ang sakit lang. Pag nasasaktan ka, pinapadesisyon mo lang palagi ang puso mo at binabalewala mo lang ang sinasabi ng utak mo. Pero alam mo? Wala eh, nangyari na. Nangyari na yan. Natapon na yung gatas. Nabasag na yung baso. Naihulog mo na nang di sinasadya yung piso sa dagat. Naubos mo ang load na binili mo at tenext mo lang ng tenext kasi akala mo na-unli mo na. Nalunok mo na yung bubble gum nang di inaasahan at hindi mo na mabawi pa. Anong gagawin mo? Pupulutin mo pa yung natapong gatas, ano didilaan mo? Kukumpunuin mo pa yung baso, magbabakasakali ka pa sa glue? Lalanguyin mo pa yung dagat alang alang dyan sa piso mo? Magrereklamo ka sa network mo dahil na rin sa sarili mong katangahan? Para saan pa? At nalunok mo na yung bubble gum, bali-baliktarin mo man ang balunbalunan mo hinding hindi mo na makikita pa ang bubble gum na yan. 

Basag na yung baso, wala ng paggagamitan yan. Kailangan mo na siyang itapon. Kailangan mo ng tanggapin na natapon na ang gatas mo kaya magtimpla ka nalang ng bago. Tanggapin mo nalang na di para sayo ang piso na yun. Tanggapin mo ang katangahan mo. At isaksak mo sa kukuti mo na minsan kahit gaano ka kaingat na hindi mawala sayo ang isang bagay, kung hindi sapat ang effort mo ay wala rin. Wala ka ng magagawa sa mga nangyari. Meaning parte na yan ng kasaysayan ng buhay mo. Hindi mo na yan pwedeng baguhin dahil wala naman tayong kapangyarihan bumago ng nakaraan. Pero kailangan nating bumangon ulit. Kailangang magpatuloy ang buhay natin. Wag tayong pumirmi sa multo ng kahapon. Para saan pa? Para sariwain palagi ang sugat? Wag na. Nawalan ka ng kaibigan? Iniwan ng kasintahan? Bumagsak sa exam? Mahirap pero wala eh, kailangan mong tanggapin kasi kung hindi mo tatanggapin, ikaw lang din naman ang masasaktan. Isipin mo nalang na mapalad ka dahil nangyari yan nang mas maaga. Isipin mo nalang na niligtas ka ni Lord mula sa mga maling tao. Minahal mo pero niloko ka lang? Patawarin mo nalang. Hindi naman ikaw ang kakarmahin sa nangyari kundi sila. Wag ka na pakalungkot. Hayaan mong yakapin ka ng mga taong gustong yumakap sayo. Tahan na.