magandang umaga pilipinas

Bakit Kayo Naghiwalay?

Kasi nagpa-ahas siya.
Ang masakit non, sa kaibigan ko pa.
Yung akala niyang “shoulder-to-cry-on“,
Dakilang “abanger” pala.

Kasi malandi siya.
Ang dami niyang hinaharot, palagi na lang ganon.
Tapos sasabihin niya sa akin, “Wala lang naman lahat ‘yon.”
Doon ko napagtanto na di ko na siya kaya pang pagkatiwalaan.
Kaya heto ako ngayon, mag-isa na lang na lumalaban.

Kasi bigla na siyang nagsawa.
Nakakapagod na daw ako.
Hindi naman kami nagtatakbuhan,
Pero sinukuan na niya ‘ko.
Araw-araw, paunti-unti, paulit-ulit ang kwento.
Hanggang sa ayun, sumuko na kami pareho.

Kasi wala daw akong pera.
Nakakaloko ‘di ba?
Akala ko sa teleserye lang merong ganito,
Sa totoong buhay din pala.

Kasi mga bata pa kami noon,
At wala pa sa tamang pag-iisip.
Hinintay namin ang tamang panahon,
Pero pareho din kaming nainip.

Kasi malayo kami sa isa’t-isa.
Nasa ibang bansa ako,
Nasa Pilipinas naman siya.
Ang nakakalungkot lang, palagi siyang nagdududa.
Away kami nang away.
Hanggang sa nag-usap kami isang gabi, nagpaalam na siya.

Kasi ang nararamdaman niya para sa akin ay wala na.
Sa tuwing nagkakamali ako, sinasabi niyang:
“Ang pagmamahal ko sa’yo ay paubos na nang paubos“
Nasaid na yata yung sinasabi niyang pagmamahal, kaya niya tinapos.

Kasi alam kong para sa akin,
‘Di ako nararapat para sa kaniya.
Hindi ko siya kayang mahalin,
Kagaya ng pagmamahal niya.

Kasi di pa daw niya kaya.
Ang sarap suntukin di ‘ba?
Pinili niya ang kanyang sarili bago ang responsibilidad.
Pagkatapos niya magpakasaya noong isang gabi,
Bigla ba namang ito yung gawin sa’king pambungad?

Kasi bigla na lang siyang nawala.
Hindi na kami nakapag-usap.
Para akong nangangapa sa dilim.
Pero di ko naman siya mahanap.

Kasi nasasakal na ako.
Ang higpit niya sa’kin masyado.
Lahat na lang bagay palaging merong pagtatalo.
Pakiramdam ko nawalan na ako ng kalayaang gawin
Ang mga bagay na gusto ko.

Kasi nananaginip lang pala ako.
‘Di niya alam na meron palang kami.
Kaya pala kung tratuhin niya ko,
Parang wala lang siyang paki.

Kasi nakalimot na siya.
Kasi nanlamig na siya.
Kasi pinagpalit na niya ako sa iba.
Kasi mga magulang na din niya ang nag-udyok sa akin para layuan siya.
Kasi wala na kaming oras para sa isa’t isa.
Kasi nangibabaw ang pride niya.
Kasi ayaw daw ng Diyos niya na maging kami.
Di daw kami para sa isa’t isa.
Kung kami raw, kami raw talaga.
Kasi di niya ko kayang ipaglaban.
Kasi rebound lang ako.
Mas pinili niya ang mga kaibigan niya
KASI WALA SIYANG KWENTA.
—————————————————————
Sa dinami-dami ng dahilan
Na pwede mong isipin –
Isa lang naman ang pupuntahan,
At isa lang din ang pwede mong gawin:
Ang ipagpatuloy ang buhay,
Kahit gaano man kasakit.
Kahit wala na ang dahilan mo para kumapit.
Ngunit gayunpaman,
Palaging tandaan
Na ang kahapong naging kwento,
Magsisilbing aral kinabukasan.
—————————————————————
6:06 // Pambungad.