lumiko

vimeo

turn the music down to mute and play Marijuana by Chrome Sparks instead while watching. Trippy. 

“Samahan mo naman ako, lakbayin itong mundo
Kahit alam natin pareho kung gaano ito kagulo
Susugod tayo kahit hindi tiyak ang landas na tatahakin.

Sa ating paglalakbay patungo sa kung saan
Maaari bang mahawakan ang mga kamay mo?
Pangako, hindi kita bibitawan

Naglakad tayo habang magkahawak ang kamay
Sinabayan mo akong makinig sa ingay ng mundo
Gaano man kalayo, kahit hindi sigurado, hindi ka lumiko.

Pinagmasdan ang bawat taong dumadaan
Ang bawat mata ng mga tao ay nangungusap
Naramdaman nating dalawa ang kanilang kasiyahan

Malapit ng magpaalam ang gabi
Nakita ko ang ulap na walang laman na bituin
Tanging buwan ang nagsilbing ilaw sa mundo nating dalawa

Lumipas ang oras, araw, buwan at taon
Sabay pa din tayong naglalakbay sa pagitan ng ewan at hindi sigurado
Hawak ko pa din ang kamay mong pilit ng nagpupumiglas

Oo, ramdam ko ng magpapaalam ka na.
Ramdam ko sa bawat pagbitaw mo sa kamay ko
Nakita ko sa mga mata mo ang lungkot at mga luhang nagbabadya

Ayoko sanang lumiko sa kanan dahil alam kong tutungo ka sa kaliwa.
Ayoko sanang bumitaw ngunit sabi mo ayaw mo ng maglakbay.
Ayaw sana kitang bitawan ngunit sabi mo tama na dahil pagod ka na.

Sa ilang taon nating pamamasyal, ngayon ka lang napagod.
Sa taon nating paglalakbay, wala akong nakita kundi ang iyong mga ngiti
Hindi ko man lang naisip na posible palang mapagod ka.

Tumingin ako sa langit, ramdam ko ang hanging yumayakap sa akin.
Sinabayan ang sakit na aking nararamdaman, alam nyang aalis ka na.

Biglang bumuhos ang ulan, kasabay ng pagpatak ng aking luha
Dinadamayan ba ako ng langit? Nalulungkot ba sya para sa atin?

Tuluyang nagpaalam ang gabi, at tuluyan ka na ring nagpaalam.
Gusto kong intindihin ngunit hindi ko magawa dahil magulo nga pala ang mundong tinahak natin.

Nandito pa rin pala tayo sa pagitan ng meron o wala. Nandito pa rin pala tayo sa pagitan ng umpisa at dulo. Nandito pa rin tayo sa pagitan ng kuwit at tuldok.

Pinag iisipan kung tutuloy pa o hindi. Kung kakapit o bibitaw. Kung hahawak o magpapaalam. Kung mag uumpisa ulit o hahayaan na lang?

Natagpuan kita sa dulo kung saan mas pinili mo na lang na tama na. Sa dulo ka natagpuan at kita ko kung gaano ka kasaya. Sa dulo ka natagpuan at ako, gigising sa panibagong umaga na hindi alam kung paano uumpisahan.

Sinundan kita ng tingin sa paglalakbay mo patungo sa kaliwa. Nakita ko ang likod mong nagsasabing gumaan ang pakiramdam mo. Hanggang sa naglaho ka at kainin ng magulong mundong ito.

At hanggang ngayon, nakakulong pa din ako sa dulo kung saan mo ako napiling bitawan at iwanan.”