jeep thrills

Kalsada

Parte na halos ng buhay natin ang lansangan. Tuwang-tuwa ako noong bata pa ako kapag natatapat na malubak ang sinasakyan kong jeep. Pakiramdam ko may thrill yung byahe namin at nakasakay ako sa roller coaster kapag dumadaan sa lubak ang jeep. Isang beses sa isang taon lang kasi ang perya sa amin at tuwing fiesta lamang ito kaya sabik ako sa mga rides. Kaya nagtityaga kami sa byaheng malubak at konting andar ng imahinasyon. Ngayon, mararamdaman mo na lang yung lubak sa mga kalsadang binubutas at pinapagawa kahit maayos pa ang mga ito. Salamat DPWH.

Natandaan ko nung dinala ako ni Tatay sa Quiapo para bisitahin si Tito Pedring. Andaming tao. Nakakalula yung mga billboard at andaming mga sasakyan. Sabi ni Tatay ganoon daw talaga sa Maynila. Karamihan daw kasi ng mga tao ay nililisan ang probinsya para makipagsapalaran sa Maynila para sa magandang bukas na walang katiyakan. Pagsakay namin ng jeep papuntang Balic-Balic, siksikan sa loob ng jeep. Biglang sisigaw ang barker ng

O konting ayos ng upo mga ate at kuya. Siyaman po yan. Konting ayos lang. O, isa pa sa kaliwa. Bayad ba yung bata? Konting usod pa!!

Sabay tutuktukin ni kuyang barker yung gilid ng jeep. Masakit sa tenga ang pagtama ng barya sa bakal. Para na kaming sardinas sa loob ng jeep. Lagkit na lagkit na ako at nadidikit pa ako kay manong na pawis na pawis ang braso.

Ano ang kalaban ng mga Pilipino? Traffic! Dito pinapatay ang oras natin. Nailathala nga sa isang foreign newspaper na ang Pilipinas ang pangalawa sa may pinakamalubhang traffic sa Southeast Asia. Ito ang isa sa mga plataporma na ginagamit ng mga kandidato tuwing halalan, ang sugpuin ang lumalalang traffic sa ating bansa. Hanggang ngayon, kapag naiisip ko yun, lalong umiinit ang ulo ko dahil nakaluklok na nga sila sa trono, wala paring nakakalutas sa suliraning ito. Buti na lang, hindi ko sila binoto.

Pagbaba namin sa destinasyon namin, makikita mo ang pagkamalikhain at diskarte ng mga pinoy. Kita mo ang mga dikit-dikit na mga barung-barong. Mga trapal ng mga kandidato na ginawang pangtapal sa butas na dingding at bintana. Ang mga buhol-buhol na kawad ng kuryente sa tagilid na poste ng Meralco. Napakamalikhain talaga ng mga Pinoy.

Habang naglalakad kami sa isang eskinita, nagpaalam ako kay tatay na itatapon ko lang yung balat ng kendi na hawak ko. Sabi ni Tatay itapon ko daw sa basurahan, pero paglinga ko, walang basurahan sa paligid. Pero andaming basura sa kalye. Kita mo ang balat ng diapers na kinalat at sinira ng mga asong kalye, ang mga balat ng chichirya at ilang mga pinagkainan. Hindi kataka-taka na darating ang panahon na ang Maynila ang magiging isang malaking wasteland. Buti na lang nakalagay sa isang gilid ng kalsada ang karatulang “BAWAL MAGTAPON DITO. MULTA 500” katabi ng mga samut-saring basura.

Kung sa probinsya, makikita mo ang mga lumilipad na mga maya, dito sa Maynila kita mo ang mga lumilipad na mga bangaw. Yung mga bangaw na steady lang sa hangin. Hindi gumagalaw. Naalala ko pa na tumatalon pa ako para bugawin yun. Malas ko lang at pagtalon ko, nakaapak ako ng malagkit. Yuck, tae.

Kalahati mga tao at kalahati mga aso ata ang laman ng mga kalye. Parang mga maze bomb yung mga tae ng aso sa kalsada na kapag natapakan mo, game over ka na. Malaya ang mga aso na gumala-gala sa kalsada. Malas mo kapag pinagtripan ka pa ng mga aso at hinabol hanggang kanto. Kita mo rin yung mga asong nagdodoggy style sa gilid at maiinggit ka na buti pa ang aso may sexlife, ikaw wala.

Pero anuman ang lugar nating kinabibilangan, ang kalye parin ay parte ng ating bituka na hindi natin maiiwasan. Dahil karamihan sa atin ay mga taong-kalye, huwag lang magiging asal-kalye.