iedit*

Sa totoo lang, hindi ako marunong magsalita.

A-BA-KA-DA, Ano na nga ba?
Nakakainis naman. Hindi na nga ako makalikha ng salita, hindi pa ata makabasa.

At oo, inaamin ko na. Isa akong mangmang.
Sige na, tawagin mo na ‘kong inutil, tanga, bobo, walang alam.

Mahal pasensya na,
Pasensya na dahil simula nang sinabi mong MA–

MAsaya ako kapag kasama kita;
MAhalaga ka sa buhay ko; at
MAkita ka lang, buo na ang daigdig ko

ay para bang lahat ng

HALigi ko ay unti-unting gumuho
sa bawat HALik mo ako'y nanlulumo
at di kalaunan, HALit na ang pusong inialay ko para lang sayo.

Pero kasalanan ko.

Ako naman 'tong si KIre na nahulog agad sa kislap ng tala sa iyong mga mata.
Ako 'tong umasa sa bawat KIbot mong tila nagsasabing mahal– saglit lang hindi ko pa kaya.
At ako itong dapat makaramdam ng KIrot.
dahil kasalanan ko.
Kasalanan kong nahulog ako sa'yo.

TAnggap ko na; na may mga katagang sadyang hindi mo mapapadama.
TAma na; hindi mo na kailangang ipamukha pa na isa akong tanga
TApos na. TAkot pa 'ko ng wala ka pero TApos na. Ayoko na.

At mahal, hindi pa rin ako marunong magsalita.
Hindi NA ako marunong magsalita. Dahil nang matutunan kong baybayin ang mga patnig na KI-MA-TA-HAL
ay wala na akong gusto kundi isaayos ito.
Isaayos ang sarili ko upang sa takdang panahon. O kahit bukas kung kakayanin ko na. Kahit ngayon kung posible pa. Kahit araw-araw pa, aking sinta; gagawin ko. Babaybayin ko ang mga salitang MA-HAL-KI-TA, hanggang sa tumagos ang bawat pantig sa kaluluwa mo at tumatak ang mga letrang to sa puso mo

Mahal Kita.

Pero ngayon, marunong na akong magsalita.

Kung hindi nyo napapansin, mga bes kanina pa!

Ang dami ko nang nasabi!


Ngayon, isa na lang ang sasabihin ko sa'yo.

Mahal pa ba kita?

A-BA-KA-DA

A-BA-KA-HIN-DI-NA


Iniibig pa ba kita?

Mahal, Hindi na.